Add parallel Print Page Options

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ngayon ang ikalawang sulat na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawang ito'y ginigising ko ang inyong tapat na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo;

na dapat ninyong maalala ang mga salitang ipinahayag noong una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol!

Una(A) sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa,

at magsasabi, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay[a] ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang.”

Sinasadya(B) nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig,

na(C) sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw.

Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao.

Subalit(D) huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw.

Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.

10 Ngunit(E) darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog.

11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,

12 na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init!

13 Ngunit,(F) ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan.

Pangwakas na Pangaral at Basbas

14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.

15 At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo;

16 gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

17 Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan.

18 Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.[b]

Footnotes

  1. 2 Pedro 3:4 Sa Griyego ay matulog .
  2. 2 Pedro 3:18 Sa ibang mga kasulatan ay walang Amen .

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Isinulat ko ang dalawang sulat na ito upang ang mga ito'y magsilbing paalalang gigising sa inyong malilinis na isip. Nais kong alalahanin ninyo ang mga ipinahayag noon ng mga banal na propeta, at ang utos na ibinigay ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una (A) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang manlilibak at lilibakin kayo. Ang mga taong ito'y namumuhay ayon sa kanilang sariling pagnanasa. Sasabihin nila, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundong ito.” Sinadya (B) nilang huwag pansinin ang katotohanang matagal nang ang langit ay narito at sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at inanyuan niya ang lupa mula sa tubig at sa gitna ng tubig. Sa (C) pamamagitan din ng tubig ginunaw noon ng Diyos ang daigdig. Ngunit sa pamamagitan din ng gayunding salita, ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy na inilalaan sa araw ng paghuhukom at pagpaparusa sa masasamang tao.

Subalit (D) huwag ninyong kaliligtaan ang isang bagay na ito, mga minamahal, na para sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi nagpapabaya ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng iba. Pinagtitiisan lamang kayo ng Panginoon kaya hindi muna niya ginagawa ang ayon sa kanyang pangako. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat na magsisi sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ngunit (E) darating ang araw ng Panginoon tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.[a] 11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (F) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 16 Ganito ang lagi niyang sinasabi sa lahat ng kanyang mga sulat ukol sa paksang ito, bagama't may ilang bahagi sa kanyang liham ang mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. 17 Ngayong alam na ninyo ito, mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ng mga masasamang tao, nang sa gayo'y hindi kayo matinag sa inyong matatag na kalagayan. 18 Sa halip, pagsikapan ninyong lumago sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman! Amen.[b]

Footnotes

  1. 2 Pedro 3:10 Sa ibang manuskrito malalantad o mawawala.
  2. 2 Pedro 3:18 Sa ibang mga manuskrito walang Amen.