Add parallel Print Page Options

Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo:

Biyaya at kapayapaan ang sa inyo'y dumami sa pagkakilala sa Dios at kay Jesus na Panginoon natin;

Yamang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan;

Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita.

Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;

At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;

At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.

Sapagka't kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo.

Sapagka't yaong wala ng mga bagay na ito ay bulag, na ang nakikita lamang ay ang nasa malapit, sa pagkalimot ng paglilinis ng kaniyang dating mga kasalanan.

10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagka't kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man:

11 Sapagka't sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo.

12 Kaya't magiging handa akong lagi na ipaalaala ko sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman, at kayo'y pinatitibay sa katotohanang nasa inyo.

13 At inaakala kong matuwid, na samantalang ako'y nasa tabernakulong ito, ay kilusin ko kayo na ipaalaala ko sa inyo;

14 Yamang aking nalalaman na dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo.

15 Oo, pagsisikapan ko na sa tuwituwi na, pagkamatay ko'y inyong maalaala ang mga bagay na ito.

16 Sapagka't kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan.

17 Sapagka't siya'y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan:

18 At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.

19 At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso:

20 Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.

21 Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.

Pagbati

Mula kay Simon[a] Pedro, lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Para sa mga tulad naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo: Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na kailangan natin sa buhay at sa pamumuhay nang tapat sa kanya. Ito'y sa pamamagitan ng ating pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin ayon sa kanyang karangalan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng mga ito'y ibinigay niya sa atin ang kanyang mga mahahalaga at dakilang pangako upang kayo'y maging kabahagi sa kanyang kalikasan bilang Diyos, yamang nakaiwas na kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. At dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa kabutihan ang kaalaman; sa kaalaman ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili ang katatagan; sa katatagan ang banal na pamumuhay; sa banal na pamumuhay ang pagmamahalan bilang magkakapatid; at sa pagmamahalan bilang magkakapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung taglay ninyo at pinagyayaman ang mga katangiang ito, tutulungan kayo ng mga ito na hindi maging inutil at hindi mawawalan ng silbi sa inyong pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sinumang wala ng mga katangiang ito ay sa malapitan lamang nakakakita at mistulang bulag. Nakalimutan niyang nilinis na siya sa kanyang naunang mga kasalanan. 10 Kaya nga, mga kapatid, lalo ninyong pagsikapan na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo. Kung gawin ninyo ang mga ito, hindi kayo madarapa. 11 Sa ganitong paraan, buong luwalhati kayong papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (A) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Footnotes

  1. 2 Pedro 1:1 Sa ibang manuskrito Simeon.