Add parallel Print Page Options

Si Haring Manases ng Juda(A)

21 Si Manases ay labindalawang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hefziba.

Siya'y(B) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na winasak ni Hezekias na kanyang ama; siya'y nagtayo ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng sagradong poste,[a] gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at sinamba ang lahat ng hukbo sa langit, at naglingkod sa kanila.

Siya'y(C) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.”

At siya'y nagtayo ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.

At kanyang pinaraan sa apoy ang kanyang anak na lalaki. Siya'y gumamit ng panghuhula at salamangka, at sumangguni sa masamang espiritu, at sa mga mangkukulam. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, na kanyang ikinagalit.

Ang(D) larawang inanyuan ni Ashera na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat ng lipi ng Israel, ay ilalagay ko ang aking pangalan magpakailanman;

hindi ko na papagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung kanila lamang maingat na tutuparin ang ayon sa lahat ng iniutos ko sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.”

Ngunit hindi sila nakinig; at inakit sila ni Manases na gumawa ng higit pang masama kaysa ginawa ng mga bansang pinuksa ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 21:3 Sa Hebreo ay Ashera .