Add parallel Print Page Options

Mga Sugo mula sa Babilonia(A)

12 Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit.

13 Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.

14 Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?” At sinabi ni Hezekias, “Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”

15 Kanyang sinabi, “Anong nakita nila sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila.”

16 At sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

17 Ang(B) mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

18 At(C) ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”

19 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang inakala, “Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?”

Read full chapter