Add parallel Print Page Options

Nanirahan sa Israel ang mga Taga-Asiria

24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. 25 Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. 26 May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” 27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. 28 At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh.

29 Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. 30 Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; 31 si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. 32 Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. 33 Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.

34 Simula(A) noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. 35 Gumawa(B) si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. 36 Ang(C) sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. 37 Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, 38 at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. 39 Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” 40 Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian.

41 Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan.

Read full chapter