Add parallel Print Page Options

Si Haring Azarias ng Juda(A)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.

Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

At sinaktan ng Panginoon ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain.

Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

At(B) si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Zacarias ng Israel

Nang ikatatlumpu't walong taon ni Azarias na hari ng Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naghari sa Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan.

Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kanyang mga magulang. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala.

10 At si Shallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban sa kanya, at sinaktan siya sa harapan ng bayan,[b] at pinatay siya, at nagharing kapalit niya.

11 Ang iba sa mga gawa ni Zacarias, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel.

12 Ito(C) ang pangako ng Panginoon na ibinigay niya kay Jehu, “Ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.” At gayon nga ang nangyari.

Si Haring Shallum ng Israel

13 Si Shallum na anak ni Jabes ay nagsimulang maghari nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Uzias na hari ng Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.

14 Pagkatapos si Menahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Tirsa at dumating sa Samaria, at kanyang sinaktan si Shallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay siya at nagharing kapalit niya.

15 Ang iba pa sa mga gawa ni Shallum, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga Hari ng Israel.

16 Nang panahong iyon, ginapi ni Menahem si Tifsa[e] at ang lahat ng naroroon, at ang mga nasasakupan nito mula sa Tirsa, sapagkat siya ay hindi nila pinagbuksan, kaya't sinakop niya ito; at biniyak niya ang tiyan ng lahat ng babaing buntis na naroroon.

Si Haring Menahem ng Israel

17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Menahem na anak ni Gadi, at siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria.

18 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat niyang mga araw sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

19 Dumating laban sa lupain si Pul na hari ng Asiria; at binigyan ni Menahem si Pul ng isanlibong talentong pilak upang ang kanyang kamay ay mapasa kanya upang mapatatag ang kanyang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno.

20 At pinapagbayad ni Menahem ng salapi ang Israel, samakatuwid ay ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na mayaman, limampung siklong pilak sa bawat tao upang ibigay sa hari ng Asiria. Kaya't ang hari ng Asiria ay umurong, at hindi tumigil doon sa lupain.

21 Ang iba sa mga gawa ni Menahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[f] ng mga Hari ng Israel?

22 At natulog si Menahem na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Pekahia na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Si Haring Pekahia ng Israel

23 Nang ikalimampung taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Pekahia, na anak ni Menahem sa Samaria, at siya ay naghari ng dalawang taon.

24 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

25 At si Peka na anak ni Remalias, na kanyang punong-kawal ay nakipagsabwatan laban sa kanya at sinaktan siya sa Samaria sa muog ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Arif at kasama niya ang limampung lalaki na mga Gileadita at kanyang pinatay siya at nagharing kapalit niya.

26 Ang iba sa mga gawa ni Pekahia, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga Hari ng Israel.

Si Haring Peka ng Israel

27 Nang ikalimampu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda, nagsimulang maghari si Peka, na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari ng dalawampung taon.

28 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.

29 Nang mga araw ni Peka na hari ng Israel, si Tiglat-pileser na hari sa Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abel-betmaaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead, at ang Galilea, ang buong lupain ng Neftali; at kanyang dinalang-bihag ang taong-bayan sa Asiria.

30 At si Hosheas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at kanyang sinaktan siya, at pinatay siya, at nagharing kapalit niya, nang ikadalawampung taon ni Jotam na anak ni Uzias.

31 Ang iba pa sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[h] ng mga Hari ng Israel.

Si Haring Jotam ng Juda(D)

32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

33 Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok.

34 Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias.

35 Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng Panginoon.

36 Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[i] ng mga Hari ng Juda?

37 Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng Panginoon laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias.

38 Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 15:6 o Cronica .
  2. 2 Mga Hari 15:10 o sa Ibleam .
  3. 2 Mga Hari 15:11 o Cronica .
  4. 2 Mga Hari 15:15 o Cronica .
  5. 2 Mga Hari 15:16 o Tapua .
  6. 2 Mga Hari 15:21 o Cronica .
  7. 2 Mga Hari 15:26 o Cronica .
  8. 2 Mga Hari 15:31 o Cronica .
  9. 2 Mga Hari 15:36 o Cronica .