Add parallel Print Page Options

Ang Paghahari ni Azarias sa Juda(A)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian.

Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang(B) mamatay si Azarias,[a] inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 15:7 Azarias: o kaya'y Uzias .

Si Haring Uzias ng Juda(A)

26 Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda.

Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.

Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. 10 Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan.

11 Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. 12 May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. 13 Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. 14 Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. 15 Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos.

Pinarusahan si Uzias Dahil sa Kapalaluan

16 Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. 17 Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Nang(B) makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.”

19 Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. 20 Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh.

21 Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain.

22 Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang(C) ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Read full chapter

Ang Paghahari ni Jeroboam sa Israel

23 Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari. 24 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. 25 Bilang(A) katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog. 26 Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan. 27 Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.

28 Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.

Read full chapter