Add parallel Print Page Options

Ngunit nang ikapitong taon, si Jehoiada ay nagsugo at dinala ang mga punong-kawal ng mga Cariteo, at ang mga bantay, at sila'y pinapasok niya sa bahay ng Panginoon. Siya'y nakipagtipan sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari.

At kanyang iniutos sa kanila, “Ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi sa inyo, na nagpapahinga sa Sabbath at nagbabantay sa bahay ng hari

(ang isa pang ikatlong bahagi ay nakatalaga sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay), ay magiging bantay sa bahay ng hari;

ang dalawang pulutong naman sa inyo, na hindi nagbantay sa Sabbath na ito ay siyang magbabantay sa bahay ng Panginoon para sa hari.

Inyong paliligiran ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang lumapit sa hanay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari kapag siya'y lumalabas at pumapasok.”

At ginawa ng mga pinuno ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehoiada na pari, at kinuha ng bawat isa ang kanyang mga tauhan, yaong hindi magbabantay sa araw ng Sabbath, kasama ng mga nagbabantay sa araw ng Sabbath, at nagsiparoon kay Jehoiada na pari.

10 Ibinigay ng pari sa mga pinuno ang mga sibat at ang mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David, na nasa bahay ng Panginoon;

11 at ang mga bantay ay tumayo, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa may dambana at sa may bahay, sa palibot ng hari.

12 Pagkatapos ay inilabas niya ang anak ng hari, at ipinutong ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo; at kanilang ipinahayag siyang hari, at binuhusan siya ng langis, at kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng bantay at ng taong-bayan, pumasok siya sa loob ng bahay ng Panginoon patungo sa mga tao.

14 Nang(A) siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga pinuno at ang mga manunugtog ng trumpeta sa tabi ng hari; at ang buong bayan ng lupain na nagsasaya at humihihip ng trumpeta. Kaya't hinapak ni Atalia ang kanyang kasuotan, at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”

15 At ang paring si Jehoiada ay nag-utos sa mga kapitan ng tig-iisandaan na itinalaga sa hukbo, “Ilabas ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at patayin ninyo ng tabak ang sinumang sumunod sa kanya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag siyang papatayin sa bahay ng Panginoon.”

16 Sa gayo'y kanilang binigyan siya ng daan, at siya'y pumasok sa pasukan ng mga kabayo patungo sa bahay ng hari, at doon siya pinatay.

Read full chapter