Add parallel Print Page Options

Nagsalita si Alcimo Laban kay Judas(A)

14 Pagkalipas ng tatlong taon, nalaman ni Judas at ng mga tauhan nito na si Demetrio, kaanak ni Seleuco ay nagdala ng isang malaking hukbong-lakad at hukbong-dagat na pumasok sa daungan ng Tripolis. Nalaman niyang nakuha nito ang lupaing iyon matapos mapatay si Antioco at si Lisias.

May isang dating Pinakapunong Pari na ang pangala'y Alcimo na nakikiisa sa pamumuhay Griego noong panahon ng paghihimagsik. Alam niyang sa ginawa niyang ito'y hindi siya mababalik bilang Pinakapunong Pari, at dahil galit ang mga Judio sa kanya, nabahala siya. Kaya't naisipan niyang lumapit kay Haring Demetrio. Noo'y taong 151. Nagdala siya ng isang gintong korona at mga sanga ng palma at olibo buhat sa Templo at inihandog ito sa hari. Ngunit wala siyang sinabing anuman tungkol sa kanyang mga binabalak. Dumating ang isang magandang pagkakataon na matupad ang masama niyang binabalak nang anyayahan siya ni Demetrio sa isang pulong ng konseho upang hingan ng kuru-kuro tungkol sa mga binabalak ng mga Judio.

Ganito ang kanyang sinabi: “Ang mga Judiong tinatawag na Hasideano at pinamumunuan ni Judas Macabeo ay mapanghimagsik. Sila ang nagsusulsol ng pagrerebelde kaya laging magulo sa kaharian. Iyan nga po ang dahilan kaya ako naparito at iniwan ko ang aking marangal na tungkulin bilang Pinakapunong Pari. Nais kong ipadama sa inyo ang aking pagmamalasakit sa inyong kapakanan; pangalawa, alang-alang na rin ito sa aking mga kababayan. Alam po ninyo, ang aming bansa'y labis na naghihirap dahil sa mga taong aking binanggit sa inyo. Pagkatapos ninyong siyasatin ang mga bagay na ito, ayon sa inyong kagandahang-loob na iniuukol sa lahat, gawin po ninyo mahal na hari, kung ano ang makakabuti sa aming bansa at sa mga mamamayang naghihirap. 10 Maniwala po kayo na hanggang buháy si Judas, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.”

Isinugo si Nicanor Para Salakayin si Judas

11 Matapos masabi ni Alcimo ang lahat ng ito, ang ibang mga kaibigan ng hari na galit din kay Judas ay nagsulsol sa hari upang lalong mag-ibayo ang galit nito. 12 Dahil dito, mabilis na kumilos ang hari. Pinili niya agad si Nicanor, ang pinuno ng pangkat na nakasakay sa mga elepante, at ginawa itong gobernador ng Judea. Pinapunta agad ito doon 13 para patayin si Judas, lansagin ang pangkat nito, at ibalik si Alcimo sa tungkulin bilang Pinakapunong Pari sa Templong pinakadakila sa buong daigdig. 14 Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.

15 Ang(B) pagdating ni Nicanor at ang pagsama sa kanya ng maraming Hentil ay ikinabahala ng mga Judio. Kaya't naglagay silang muli ng abo sa kanilang ulo at nanalangin sa Diyos na siyang pumili sa kanila upang maging kanya at hindi nagpapabaya sa kanila sa panahon ng kagipitan. 16 Sa isang salita ni Judas, lahat ay lumabas agad para harapin ang mga kaaway na nasa nayon ng Desau. 17 Si Simon na kapatid ni Judas, at si Nicanor ay nagsagupa, ngunit naging hadlang ang biglang pagdating ng mga kaaway. 18 Gayunman, binagabag si Nicanor ng napabalitang tapang ni Judas at ng kanyang hukbo sa pakikipaglaban alang-alang sa kanilang bayan. Nag-atubili siyang makipagtuos sa pamamagitan ng lakas. 19 Ipinasya niyang isugo sina Posidonio, Teodoto at Matatias upang makipagkasundo.

20 Matagal nilang tinalakay ang mga kondisyon at nang magkasundo, ang bawat pinuno ay nagpaliwanag sa kanya-kanyang pangkat. Lahat ay sumang-ayon sa kasunduan. 21 Ang mga pinuno ay nagtakda ng isang araw para mag-usap na muli. Inihandang mabuti ang lugar na pagdarausan ng pulong. Bawat panig ay nagpadala ng karwahe at naglagay ng upuan doon. 22 Bilang pag-iingat, naglagay si Judas ng mga sandatahang tauhan niya sa mga lugar na kailangan para nakahanda sila kung sakaling gumawa ng kataksilan ang kaaway. Ngunit naging maayos at mapayapa naman ang pagpupulong ng dalawa. 23 Nang matapos ang pagpupulong, nanatili si Nicanor sa Jerusalem. Hindi siya sumira sa kasunduan. Umiwas siya sa mga karaniwang mamamayan 24 na laging dumudulog sa kanya. Ngunit naging napakalapit niya kay Judas, at naging mabuti silang magkaibigan. 25 Pinayuhan ni Nicanor si Judas na mag-asawa na ito para magkaanak. Nag-asawa nga si Judas at namuhay na gaya ng pangkaraniwang mamamayan.

Nasira ang Pagkakaibigan nina Judas at Nicanor

26 Napansin ni Alcimo ang magandang samahan nina Judas at Nicanor at hindi niya ito ikinasiya. Kaya't kumuha siya ng sipi ng kasunduan at dinala kay Haring Demetrio. Siniraan niya si Nicanor at sinabing ito'y nakipagkasundo kay Judas para ibagsak ang pamahalaan at itinakda nang ito ang kanyang makakahalili. 27 Naniwala naman ang hari sa ulat ng taksil, kaya't nagsiklab siya sa galit. Sumulat ito kay Nicanor tungkol sa kasunduan at sinabing hindi siya nasisiyahan sa ginawang kasunduan at sa lalong madaling panahon ay dalhing bilanggo sa Antioquia si Judas.

28 Nang matanggap ni Nicanor ang sulat na ito, nanlumo siya at hindi malaman ang gagawin, sapagkat ayaw niyang sumira sa kasunduang ginawa niya sa isang taong wala namang ginagawang labag sa kasunduan. 29 Ngunit hindi niya maipagwawalang-bahala ang utos ng hari, kaya't naghintay siya ng magandang pagkakataon para ito'y maisagawa. 30 Samantala, nahahalata ni Judas na nanlalamig ang pakikisama ni Nicanor sa kanya, at alam niyang ito'y isang masamang tanda. Kaya't tinipon niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nagtago.

31 Napahiya(C) si Nicanor dahil napaglalangan siya ni Judas, kaya't pumasok siya sa dakila at banal na Templo, at pinilit ang mga pari na isuko nila si Judas. Noo'y naghahandog ng pangkaraniwang handog ang mga pari. 32 Sumumpa ang mga ito na hindi nila nalalaman kung nasaan si Judas. 33 Sa galit ni Nicanor, nagbanta siya na ang kamay ay nakaturo sa Templo, “Kapag hindi ninyo ibinigay sa akin si Judas, ipaguguho ko ang Templong ito. Wawasakin ko ang inyong altar, at sa dako ring ito'y magtatayo ako ng isang magandang Templo upang parangalan si Dionisio.” 34 Pagkasabi nito, siya'y umalis. Nabahala ang mga pari, kaya't nanalangin silang lahat na nakataas ang kamay sa di-nagmamaliw na Tagapagtanggol ng kanilang bansa, 35 “Panginoon ng lahat, alam naming di ka nangangailangan ng anuman; gayon pa man, sumang-ayon kang magtayo kami ng Templong iyong matitirhan sa gitna namin. 36 Dahil dito, O Kabanal-banalan, ingatan mong walang dungis ang tahanang ito na hindi pa natatagalang nalilinis!”

Read full chapter

Ang Kalapastanganan ni Nicanor

15 Nalaman ni Nicanor na si Judas at ang mga kasamahan nito ay nasa lupain ng Samaria, kaya't ipinasya niyang salakayin sila. Para makatiyak na ligtas siya sa panganib, inisip ni Nicanor na gawin ito sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit ang mga Judiong napilitang sumama sa kanya ay nagsumamo, “Huwag po ninyong gawin ang inyong napakalupit na balak. Igalang po ninyo ang araw na dinakila, ginawang higit sa alinmang araw, at pinabanal ng Diyos na nakakakita ng lahat.” “Bakit, mayroon bang namamahala ng kalangitan na nag-utos na igalang ang araw na iyon?” tanong ng buhong na si Nicanor. Sumagot ang mga Judio na mayroon, at iyon ay ang Diyos na buháy, ang hari ng langit at siya ring nag-utos na igalang ang Araw ng Pamamahinga.

Ganito ang tugon ni Nicanor: “Ako naman ang hari dito sa lupa at iniuutos kong kunin ninyo ang inyong mga sandata at sundin ang aking kagustuhan.” Gayunman, hindi siya nagtagumpay sa maitim niyang balak.

Naghandang Makipaglaban si Judas

Napakahambog ni Nicanor—hindi pa ma'y ipinamamalita nang siya'y magpapagawa ng isang bantayog upang maging alaala ng kanyang pagtatagumpay laban kay Judas at sa mga tauhan nito. Subalit si Judas Macabeo ay hindi nabahala; lubos ang kanyang pagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na huwag matakot, sa halip ay alalahanin nila ang natamong tulong mula sa kalangitan noong mga nakaraang panahon ng kagipitan, at umasa silang kahit ngayon ay ipagkakaloob sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat ang tagumpay. Pinasigla niya sila sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, at ipinapaalala sa kanila ang natamo na nilang mga pagtatagumpay sa labanan. 10 Nang handa na sila, iniutos ni Judas ang dapat gawing pagtatanggol. Ipinaalala niya na hindi mapagkakatiwalaan ang mga Hentil sapagkat sumisira sila sa mga kasunduan. 11 Higit sa sandatang ibinigay niya sa kanyang mga tauhan ay ang kanyang mga salitang nagpalakas ng kanilang loob. Isang pangitaing nakita niya ang kanyang isinaysay upang patatagin ang loob ng kanyang mga tauhan.

12 Nakita raw niya sa pangitain si Onias, dating Pinakapunong Pari at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbaba, magaling magsalita, at mula sa pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio. 13 Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan. 14 Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: “Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab kung manalangin para sa banal na lunsod.”

15 Iniunat ni Jeremias ang kanyang kanang kamay at iniabot kay Judas ang isang espadang ginto at habang iniaabot iyon ay ganito ang sabi: 16 “Tanggapin mo ang banal na espadang ito, na kaloob ng Diyos. Gamitin mo ito at lipulin mo ang iyong mga kaaway.”

17 Sumigla ang mga puso't damdamin ng mga Judio sa mga sinabi ni Judas. Lumakas ang loob nila, kaya't maging ang mga kabataan ay lumaban nang ubod-tapang. Sapagkat nanganganib ang lunsod, ang kanilang relihiyon, ang Templo at ang mga sagradong kagamitan doon, minabuti na nilang sumalakay at kahit na manu-mano ay lutasin ang suliraning ito. 18 Nangingibabaw ang pagmamalasakit nila sa banal na Templo; pangalawa lamang sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay, asawa't anak at kamag-anak. 19 Ang lahat ng naiwan sa lunsod ay pawang balisa tungkol sa kahihinatnan ng labanan nila sa kapatagan.

Nalupig at Namatay si Nicanor

20 Bawat isa'y nananabik sa magiging wakas. Papalapit na ang kaaway, kasama ang mga elepante at ang mga mangangabayo sa magkabilang panig. 21 Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos. 22 Ganito(A) ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay. 23 Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway. 24 Sa taglay mong lakas, hampasin mo sila na lumalait sa iyong mga lingkod!” Dito niya winakasan ang kanyang dalangin.

25 Sa(B) hudyat ng mga trumpeta at mga awiting pandigma, ang hukbo ni Nicanor ay nagpatuloy sa paglapit, 26 ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan. 27 Ginamit nila ang kanilang mga bisig sa paglaban habang sa puso naman ay dumadalangin sila sa Diyos. Sa labanang iyon, 35,000 kaaway ang kanilang napatay. Gayon na lamang ang pasasalamat nila sa kapangyarihang ipinadama sa kanila ng Diyos. 28 Nang matapos ang labanan, masayang-masaya silang umuwi dahil sa tinamong tagumpay, at nakita nila ang bangkay ni Nicanor na suot pa ang kanyang baluti. 29 Napasigaw sila sa tuwa at sa kanilang sariling wika'y pinuri nila ang Panginoon.

30 Sa utos ni Judas, na ang katawa't kaluluwa'y tagapagtanggol ng mga kababayan sapul pagkabata, ipinaputol ang ulo't kanang kamay ni Nicanor upang dalhin sa Jerusalem. 31 Pagbabalik nila roon, tinipon ni Judas ang mga Israelita, nagtalaga ng mga pari sa harap ng altar, at tinawag ang lahat ng tauhang nasa tanggulan. 32 Ipinakita niya sa kanila ang ulo ng tampalasang lapastangang si Nicanor at ang kamay nito na buong paghahambog na iniunat laban sa banal na Templo ng Makapangyarihang Diyos. 33 Ang dila ni Nicanor ay pinutol din ni Judas para tadtarin at ipakain sa mga ibon. At ipabitin naman sa tapat ng Templo ang ibang parte ng katawan nito. 34 Lahat ng naroroon ay tumingala sa langit at nagpuri sa Panginoon na naghayag ng kanyang banal na kapangyarihan at nag-ingat sa Templo upang ito'y manatiling malinis. 35 Kinuha ni Judas ang ulo ni Nicanor at ibinitin sa pader ng kuta bilang katibayan ng tulong na ibinigay ng Panginoon. 36 Nagkaisa(C) ang lahat na aalalahanin nila ang araw na ito at ipagdiriwang tuwing ika-13 araw ng ika-12 buwan ng taon na tinatawag na buwan ng Adar sa wikang Aramaico, at ang araw na ito ay bisperas ng Araw ni Mordecai.

Read full chapter