Add parallel Print Page Options

Muling Nagpakita ang Diyos kay Solomon(A)

11 Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng Panginoon at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa.

12 Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.

13 Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;

14 at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako[a] at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.

15 Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.

16 Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.

17 Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,

18 aking(B) patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’

19 “Ngunit kung kayo[b] ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,

20 aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.

21 Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’

22 Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Cronica 7:14 Sa Hebreo ay ang aking mukha .
  2. 2 Cronica 7:19 Sa Hebreo ay sila .