Add parallel Print Page Options

Binalaan ni Propeta Micaya si Ahab(A)

18 Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa.

Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead.

Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, “Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?” Kanyang sinagot siya, “Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan.”

Nagtanong sa Propeta

At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”

Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, “Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?” At sinabi nila, “Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari.”

Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong iba pang propeta ng Panginoon na maaari naming mapagsanggunian?”

Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsabi ng ganyan ang hari.”

At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, “Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”

Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila.

10 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.’”

11 Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”

12 At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya.”

13 Ngunit sinabi ni Micaya, “Kung paanong buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin.”

14 At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?” At siya'y sumagot, “Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay.”

15 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”

16 Kaya't(B) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.’”

17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?”

18 Sinabi ni Micaya, “Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon: Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba.

20 Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Aakitin ko siya.’ At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Sa anong paraan?’

21 At kanyang sinabi, ‘Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!'

22 Kaya't ngayon, ang Panginoon ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”

23 Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, “Saan dumaan ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”

24 At sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago.”

25 Sinabi ng hari ng Israel, “Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari;

26 at sabihin ninyo, ‘Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.’”

27 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!”

Ang Kamatayan ni Ahab(C)

28 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.

29 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan.

30 Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong-kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, “Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang.”

31 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, “Iyon ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng Panginoon. Inilayo sila ng Diyos sa kanya;

32 sapagkat nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabol sa kanya.

33 Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan.”

34 Ang labanan ay naging mainit nang araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya.