Add parallel Print Page Options

Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.

Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”

Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”

Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”

Read full chapter