Add parallel Print Page Options

55 Nagtakda si Judas ng mangunguna sa bawat pangkat na sanlibo, sandaan, limampu, at sampu. 56 Ayon(A) sa Kautusan, pinauwi niya ang mga bagong kasal, mga bago pa lamang nagtayo ng bahay o nagtanim ng ubasan, o kaya'y natatakot, at hindi na pinasama sa labanan. 57 Nang magawâ ito, ang kanilang hukbo ay lumabas at humanay sa timog ng Emaus. 58 Ito ang utos ni Judas: “Magpakalalaki kayo, at humanda sa paglaban. Bukas ng umaga, lulusubin natin ang mga Hentil na gustong pumuksa sa atin at magwasak ng ating Templo. 59 Mabuti pa ang tayo'y mamatay kaysa makitang wasak ang bansa at nilapastangan ang ating Templo. 60 Kung ano ang kalooban ng Diyos, iyon ang mangyayari!”

Sa kabilang panig, si Gorgias ay naghanda naman ng 5,000 sundalo at 1,000 hukbong nakakabayo. Kinagabihan, lumakad sila upang salakayin ang kampo ng mga Judio. Sa pangkat niya'y may isinama pa siyang mga tagapagturo ng landas mula sa pader. Ngunit hindi ito nalingid kay Judas kaya't sila nama'y umalis sa kampo upang salakayin ang hukbo ng hari na nasa Emaus, samantalang wala si Gorgias at ang kanyang hukbo. Kaya't nang gabing sumalakay si Gorgias sa kampo ni Judas, wala siyang inabot isa man. Ginalugad niya ang kaburulan sa paniwalang tumakas ang mga kalaban.

Ngunit nang magbubukang-liwayway, si Judas, kasama ang kanyang 3,000 tauhan ay lumitaw sa kapatagan, bagaman kulang sa mga sandata. Nakita nila ang pinagkakampuhan ng mga Hentil at ang mga hukbong kabayuhan sa palibot nito na sanay sa digmaan. Sa gitna ng ganitong katayuan, sinabi ni Judas sa kanyang mga kasama, “Huwag kayong matakot sa dami ng kaaway. Ang alalahanin ninyo'y kung paano nakaligtas sa Dagat na Pula ang ating mga ninuno noong sila'y habulin ng mga kawal ng Faraon. 10 Manalangin tayo sa Diyos. Alalahanin natin ang kanyang kasunduan sa ating mga magulang at kung loloobin niya'y mawawasak ngayon ang hukbo ng ating kaaway. 11 Sa gayon, malalaman ng mga Hentil na mayroong Diyos na nagliligtas sa Israel.”

12 Nang makita ng mga Hentil ang paghahanda ni Judas at ng kanyang hukbo, 13 humanda na rin sila sa paglaban. Hinipan nina Judas ang kanilang mga tambuli, 14 at sila'y sumalakay. Ang mga Hentil ay nasindak at tumakas sa kapatagan. 15 Ang mga naiwan ay pawang napatay, at ang mga tumakas ay hinabol nila hanggang sa Gazara, Idumea, Azotus, at Jamnia. Tatlong libo sa mga kaaway ang kanilang napatay.

16 Pagkatapos ng labanan, bumalik ang hukbo ni Judas, 17 at sinabi niya sa kanyang mga kawal, “Kung tayo man ay nagtagumpay, huwag ninyong isipin ang pananamsam sapagkat tayo'y nasa gitna pa ng labanan. 18 Hindi malayo sa atin ang mga kawal ni Gorgias; sila'y nasa kaburulan. Humanda tayo sa kanilang ganting salakay. Saka na natin kunin ang mga samsam.” 19 Hindi pa man natatapos ang pagsasalita ni Judas, isang pangkat ng kaaway ang bumabâ mula sa kaburulan. 20 Nakita nilang ang kanilang hukbo ay napalayas at nasusunog ang kampo. Ganito ang kanilang iniisip dahil sa makapal na usok na pumapailanlang. 21 Sa nasaksihang ito, natakot ang mga kaaway, lalo na nang makita nila sa kapatagan ang hukbo ni Judas na handa nang sumalakay. 22 Dahil dito, tumakas sila papunta sa lupain ng mga Filisteo. 23 Nang makita ni Judas na tumakas na ang mga kaaway, nagbalik sila at nilimas ang kampo ng kalaban. Marami silang nakuhang pilak at ginto, mga telang kulay asul at kulay ube, at iba pang uri ng kayamanan. 24 Bumalik silang umaawit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos, “Siya'y maaasahan at ang kanyang kagandahang-loob ay magpakailanman.” 25 Kaya nga't naligtas ang Israel nang araw na iyon.

Ang Pagtatagumpay Laban kay Lisias(B)

26 Ang nangyaring ito'y umabot agad sa kaalaman ni Lisias sa pamamagitan ng mga dayuhang tumakas. 27 Labis itong ikinabahala ni Lisias, sapagkat hindi nangyari sa Israel ang kanyang inaasahan, ayon sa iniutos ng hari.