Add parallel Print Page Options

42 Nabalitaan ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang utos ng hari na sila'y dapat nang lipulin at lubos na wasakin ang bansa. Kaya't sa harap ng malaking hukbo ng mga kaaway na nakahimpil na sa kanilang paligid, alam nilang mapanganib na ang kanilang katayuan. 43 Nagkaisa silang ipagsanggalang ang bansa at ang Templo. 44 Humanda ang lahat para makipaglaban at bago lumusob, sila'y sama-samang nanalangin upang hingin ang patnubay at tulong ng Diyos.

45 Ang Jerusalem ay ulila,
wala na ang mamamayan.
Ang Templo ay winasak, mga banyaga ang bantay.
Mga nananahan dito ngayon ay pawang dayuhan;
ang Israel ay mapanglaw,
nawala na pati ang mga tugtugan.

46 Doon sila nagtipon sa Mizpa, malapit sa Jerusalem, para manalangin, sapagkat iyon ay dating pook dalanginan ng Israel. 47 Nang araw na iyon, nagsuot sila ng damit-panluksa at maghapong nag-ayuno. Binuhusan nila ng abo ang kanilang ulo, at winasak ang kanilang kasuotan. 48 Iniladlad nila ang balumbon ng kautusan ng Diyos upang malaman kung ano ang dapat nilang gawin, katulad ng ginagawang pagtawag ng mga Hentil sa kanilang mga diyus-diyosan. 49 Dala nila sa kanilang pagsamba ang mga kasuotang sagrado ng mga pari, ang mga unang ani, at ang ikasampung bahagi. Pagkatapos, tinawag nila ang mga katatapos lamang mamanatang Nazareo. 50 At silang lahat ay nanalangin, “Ano po ang aming gagawin sa mga lalaking ito at saan namin sila dadalhin? 51 Hindi po nila iginalang ang inyong Templo, at ang inyong mga pari ay nagluluksa sa tinamong kahihiyan. 52 Masdan po ninyo ang mga Hentil; pinaligiran at sinasalakay po nila kami para wasakin! Batid ninyo ang kanilang balak gawin sa amin. 53 Paano namin maipagtatanggol ang aming mga sarili kung hindi po ninyo kami tutulungan?” 54 Pagkatapos, hinipan nila ang mga trumpeta at sila'y nagsigawan.

Read full chapter