Add parallel Print Page Options

Ang Ministeryo ng mga Apostol

Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.

Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat.

Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili.

Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang-sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon.

Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos.

Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba.

Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap?

Kayo ay mga busog na, kayo ay mayayaman na, kayo ay naging mga hari nang wala kami. Ibig ko sanang kayo ay maging hari upang kami rin ay maging haring kasama ninyo.

Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao.

10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan.

11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan,

12 at(A) kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami,

13 bagaman mga sinisiraang-puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon.

Payong Magulang

14 Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak.

15 Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo.

16 Kaya't(B) hinihimok ko kayo na tumulad sa akin.

17 Dahil dito, aking isinugo[a] sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking mga daan na na kay Cristo gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawat iglesya.

18 Subalit ang iba ay nagmamataas na parang hindi na ako darating sa inyo.

19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at aking aalamin, hindi ang salita ng mga taong nagmamataas, kundi ang kapangyarihan.

20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita, kundi sa kapangyarihan.

21 Anong ibig ninyo? Darating ba ako sa inyo na may pamalo o may pag-ibig sa espiritu ng kaamuan?

Footnotes

  1. 1 Corinto 4:17 o isinusugo .