Add parallel Print Page Options

Mga Bilin Tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong ipanalangin nʼyo ang lahat ng tao. Ipaabot ninyo sa Dios ang kahilingan nʼyo para sa kanila nang may pasasalamat. Ipanalangin nʼyo ang mga hari at mga may kapangyarihan para makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa na may kabanalan at tamang pag-uugali. Mabuti ito at nakalulugod sa Dios na ating Tagapagligtas. Nais niyang maligtas ang lahat ng tao at malaman ang katotohanan. Sapagkat iisa lang ang Dios at iisa lang ang tagapamagitan sa Dios at sa mga tao. Itoʼy walang iba kundi ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang buhay niya bilang pantubos sa lahat ng tao. Ito ang nagpapatunay na nais ng Dios na maligtas ang lahat ng tao, at inihayag niya ito sa takdang panahon. At ito ang dahilan ng pagkahirang ko bilang apostol at tagapangaral sa mga hindi Judio tungkol sa pananampalataya at katotohanan. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling.

Gusto kong sa lahat ng pagtitipon-tipon[a] ay manalangin ang mga lalaki nang may malinis na kalooban, na sa pagtaas nila ng kamay sa pananalangin ay walang galit o pakikipagtalo. Gusto ko rin na maging maayos at marangal ang mga babae sa pananamit nila, at iwasan ang labis na pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga alahas o mamahaling damit. 10 Sa halip, magpakita sila ng mabubuting gawa na nararapat sa mga babaeng sumasampalataya sa Dios. 11 At kung may nagtuturo, dapat tahimik na makinig ang mga babae at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki. Kailangang tumahimik lang sila. 13 Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, 14 at hindi si Adan ang nadaya, kundi si Eva ang nadaya at lumabag sa utos ng Dios. 15 Ganoon pa man, maliligtas ang mga babae sa pamamagitan ng panganganak nila, kung magpapatuloy sila sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan, at tamang pag-uugali.

Footnotes

  1. 2:8 lahat ng pagtitipon-tipon: o, lahat ng lugar.

Mga Tagubilin tungkol sa Pananalangin

Una sa lahat, hinihimok ko kayong ipanalangin ang lahat ng tao. Idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, dalangin, pagsamo at pasasalamat para sa kanila. Ipanalangin ninyo ang mga hari at ang lahat ng may mataas na tungkulin, upang tayo ay mamuhay nang tahimik, payapa, marangal at may kabanalan. Ito'y mabuti at kinalulugdan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ay maligtas at makaalam sa katotohanan. Iisa ang Diyos at iisa ang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Ibinigay niya ang kanyang sarili bilang pantubos para sa lahat; isang patotoong pinatunayan sa takdang panahon. Ito ang dahilan kung bakit ako'y hinirang na maging tagapangaral at apostol, tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling!

Ibig kong ang mga lalaki sa lahat ng dako ay manalangin nang may malinis na puso,[a] walang sama ng loob at galit sa kapwa. Nais ko rin na ang mga babae'y magdamit nang maayos, marangal at nararapat. Hindi kinakailangang sila'y maging marangya sa kanilang pananamit at ayos ng buhok, o kaya nama'y nasusuotan ng mamahaling alahas na gawa sa ginto o perlas. 10 Sa halip, ang maging gayak nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. 11 Ang babae'y dapat matahimik na tumanggap ng aral at lubos na magpasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo o mamuno sa lalaki. Dapat siyang manatiling tahimik. 13 Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva. 14 At hindi si Adan ang nadaya. Ang babae ang nadaya at nagkasala. 15 Ngunit maliligtas ang babae sa pamamagitan ng pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay.

Footnotes

  1. 1 Timoteo 2:8 manalangin...malinis na puso: Sa Griyego, manalanging nakataas ang banal na kamay.