Add parallel Print Page Options

Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal

Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at paninirang-puri. Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan, yamang naranasan (A) na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Sa paglapit ninyo sa kanya, ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, kayo mismo, tulad ng mga batong buháy, ay itinatayo bilang bahagi ng isang templong espirituwal upang maging mga paring itinalaga para sa Diyos. Kaya't mag-alay kayo ng mga espirituwal na handog na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat (B) ito ang isinasaad ng kasulatan:

“Masdan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng isang batong panulok, pinili at mahalaga;
    hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”

Ngayon, (C) sa inyong mga sumasampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi sumasampalataya,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong panulok,”

at, (D)

“Isang batong katitisuran ng mga tao
    at dahilan ng kanilang pagkadapa.”

Sila'y natisod dahil sa pagsuway nila sa salita, at iyon din naman ang kanilang kahihinatnan.

Ngunit (E) kayo'y isang lahing pinili, mga paring naglilingkod sa hari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos. Hinirang kayo upang inyong ipahayag ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman at nagdala sa inyo sa kanyang kahanga-hangang liwanag. 10 Noon ay (F) hindi kayo sambayanan, ngunit ngayo'y sambayanan kayo ng Diyos. Noon ay pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y kinahahabagan kayo.

Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos

11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan sa daigdig na ito, iwasan ninyo ang makamundong pagnanasa na nakikipaglaban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang kagalang-galang sa gitna ng mga di-sumasampalataya upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kanyang paghuhukom. 13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao, maging sa haring pinakamataas, 14 o sa mga gobernador na inatasan niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay inyong mapatahimik ang mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaang ito upang bigyang-katwiran ang pantakip sa paggawa ng masama, sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ninyo ang mga kapatid kay Cristo. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

Ang Halimbawa ng Pagdurusa ni Cristo

18 Mga alipin, buong galang kayong magpasakop sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi maging sa malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.

22 “Wala (G) siyang ginawang anumang kasalanan,
    at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”

23 Nang (H) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (I) kanyang pagkamatay sa krus,[a] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.

Footnotes

  1. 1 Pedro 2:24 Sa Griyego sa kanyang katawan sa puno.