Add parallel Print Page Options

Ang mga Lunsod na Ibinigay kay Hiram(A)

10 At sa katapusan ng dalawampung taon, nang maitayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari,

11 at si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na sipres, ng ginto, hangga't gusto niya. Binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea.

12 Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kanya, hindi niya naibigan ang mga ito.

13 Kaya't kanyang sinabi, “Anong uring mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya't tinawag ang mga iyon na lupain ng Cabul,[a] hanggang sa araw na ito.

14 Nagpadala si Hiram ng isang daan at dalawampung talentong ginto sa hari.

15 Ito ang kadahilanan ng sapilitang paggawa na iniatang ni Haring Solomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kanyang bahay, at ang Milo at ang pader ng Jerusalem, ang Hazor, ang Megido, at ang Gezer.

16 Si Faraon na hari ng Ehipto ay umahon at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nakatira sa lunsod, at ibinigay iyon bilang dote sa kanyang anak na babae na asawa ni Solomon.

17 Kaya't itinayong muli ni Solomon ang Gezer, ang ibabang Bet-horon,

18 ang Baalat, ang Tamar sa ilang, sa lupain ng Juda,

19 ang lahat ng lunsod na imbakan na pag-aari ni Solomon, ang mga lunsod para sa kanyang mga karwahe, ang mga lunsod para sa kanyang mga mangangabayo, ang anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya.

20 Ang lahat ng mga taong naiwan sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, na hindi kabilang sa mga anak ng Israel;

21 ang kanilang mga anak na naiwan sa lupain pagkamatay nila na hindi nalipol ng mga anak ni Israel, ay ginawa ni Solomon na mga sapilitang alipin, hanggang sa araw na ito.

22 Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon, kundi sila'y mga lalaking mandirigma, mga lingkod, mga pinuno, mga punong-kawal, at mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

23 Ito ang mga punong kapatas na nangasiwa sa gawain ni Solomon, limang daan at limampu na namumuno sa mga manggagawa.

24 Ngunit ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa lunsod ni David patungo sa kanyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya, pagkatapos ay itinayo niya ang Milo.

25 Tatlong(B) ulit sa isang taon naghahandog si Solomon ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana na kanyang itinayo para sa Panginoon, at nagsusunog ng insenso sa harap ng Panginoon. Sa gayon ay natapos niya ang bahay.

Hukbong-Dagat ni Solomon

26 Nagpagawa si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom.

27 Nagpadala si Hiram ng mga sasakyan ng kanyang mga tauhan, na mga mandaragat na bihasa sa karagatan, kasama ng mga tauhan ni Solomon.

28 At sila'y pumaroon sa Ofir at kumuha mula roon ng ginto, na apatnaraan at dalawampung talento, at dinala ang mga iyon kay Haring Solomon.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 9:13 Maaaring “walang kabuluhan” ang kahulugan.