Add parallel Print Page Options

Ang Tansong Ipunan ng Tubig(A)

23 Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labingtatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog. 24 Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan. 25 Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog. 26 Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig.

Ang mga Patungan ng Hugasan

27 Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas. 28 Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas. 29 Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona. 30 Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan. 31 Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit.

32 Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong, 33 at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso. 34 Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso. 35 Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang, 36 at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma.

37 Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis.

38 Gumawa(B) rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. 39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.

40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: 41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; 42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; 43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; 44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; 45 ang mga kaldero, pala at mangkok.

Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. 46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.

48 Nagpagawa(C) rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; 49 ang(D) mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; 50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.

51 Natapos(E) ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.

Read full chapter