Add parallel Print Page Options

Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda(A)

41 Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.

42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.

43 Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.

44 Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.

45 Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari ng Juda?

46 At ang mga nalabi sa mga sodomita[b] na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain.

47 Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari.

48 Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber.

49 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko.” Ngunit ayaw ni Jehoshafat.

50 At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 22:45 o Cronica .
  2. 1 Mga Hari 22:46 o mga lalaking nagbibili ng panandaliang aliw .