Add parallel Print Page Options

Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo

17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.

18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”

19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.

20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”

21 Siya'y(A) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”

22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.

23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”

24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”

Read full chapter

25 Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tingnan mo, naroon ang Sunamita;

26 tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?” At siya'y sumagot, “Mabuti.”

27 Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, “Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi sinabi sa akin.”

28 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?”

29 Sinabi niya kay Gehazi, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.”

30 At sinabi ng ina ng bata, “Habang buháy ang Panginoon, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya.

31 Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Ang bata'y hindi pa nagigising.”

32 Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan.

33 Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa Panginoon.

34 Pagkatapos,(A) siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya, ang laman ng bata ay uminit.

35 Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata.

36 Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, “Kunin mo ang iyong anak.”

37 Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis.

Read full chapter