Add parallel Print Page Options

Ang Kayamanan at Katanyagan ni Solomon(A)

14 Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto,

15 bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain.

16 Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag.

17 At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon.

18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing,[a] at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto.

19 May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay,

20 at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian.

21 At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon.

22 Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real.[b]

23 Sa gayo'y si Haring Solomon ay nakakahigit sa lahat ng mga hari sa daigdig sa kayamanan at karunungan.

24 Nais ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang makinig sa kanyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kanyang puso.

25 Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga kagamitang pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, na napakarami taun-taon.

Read full chapter

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 10:18 Bahagi ng elepante na matulis at maputi.
  2. 1 Mga Hari 10:22 o baboon .