Add parallel Print Page Options

45 Nang maging payapa na ang lahat, tinipon ni Judas ang lahat ng mga Israelitang nasa Gilead. Iniutos niyang isama ang lahat ng sambahayan pati ang mga ari-arian at dalhin sa Judea. Napakarami nila, 46 at pagsapit sa Efron, hindi sila agad nakalampas. Ang Efron ay malaki at napapaderang lunsod, at wala silang ibang madadaanan kundi sa gitna nito. 47 Ngunit ayaw silang paraanin ng mga tagaroon. Isinara ng mga ito ang mga pintuan ng lunsod at tinambakan ng bato. 48 Nagpadala sa kanila ng sulat si Judas na ganito ang nilalaman: “Wala kaming masamang layunin. Makikiraan lamang kami sa inyong lunsod para umuwi sa amin.” Ngunit hindi pa rin nila binuksan ang mga pintuan.

49 Bunga nito, iniutos ni Judas na bawat isa'y lumusob mula sa kanya-kanyang kinalalagyan. 50 Maghapo't magdamag silang lumaban hanggang sa sumuko ang mga taga-lunsod. 51 Lahat ng lalaki sa lunsod ay pinatay. Sinamsam nila ang lahat ng ari-arian, at sinunog ang lunsod. At sa ibabaw ng mga bangkay dumaan si Judas at ang kanyang mga kasama. 52 Mula roo'y tumawid sila ng Jordan patungo sa kapatagan ng Beth-san. 53 Pinagdadakip niya sa daan ang mga nakatakas na kaaway. Habang naglalakbay, pinalakas ni Judas ang loob ng kanyang mga kasama hanggang sa sila'y sumapit sa Judea. 54 Tuwang-tuwa silang umahon sa Bundok ng Zion upang mag-alay ng handog na susunugin bilang pasasalamat sa pagsapit nila nang ligtas at dahil sa walang napahamak ni isa man sa kanila.

Read full chapter