Add parallel Print Page Options

Ang Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan(A)

13 Nakipag-usap si David sa kanyang mga opisyal at sa mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng Israelitang naroon, “Kung gusto ninyo at kung kalooban ng Panginoon na ating Dios, magpapadala tayo ng mensahe sa lahat ng kababayan natin sa buong Israel, pati na sa mga pari at mga Levita na kasama nila sa mga bayan at pastulan. Papuntahin natin sila rito para makiisa sa atin. Ito na ang panahon para kunin natin ang Kahon ng ating Dios, dahil hindi natin ito pinahalagahan nang si Saul pa ang hari.” Pumayag ang buong kapulungan dahil nakita nilang iyon ang tamang gawin.

Kaya tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa Ilog ng Shihor sa Egipto hanggang sa Lebo Hamat,[a] para kunin ang Kahon ng Dios[b] sa Kiriat Jearim. Pumunta si David at lahat ng kasama niyang mga Israelita sa Baala na nasa Juda (na siya ring Kiriat Jearim) para kunin ang Kahon ng Panginoong Dios, kung saan siya nananahan.[c] Nananahan ang Panginoon sa gitna ng mga kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. Kinuha nila ang Kahon ng Dios sa bahay ni Abinadab at ikinarga sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton. Buong lakas na nagdiwang si David at lahat ng mga Israelita sa presensya ng Dios. Umawit sila at tumugtog ng mga alpa, lira, tamburin, pompyang at trumpeta.

Nang dumating sila sa giikan ni Kidon,[d] hinawakan ni Uza ang Kahon, dahil nadulas ang mga baka. 10 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil hinawakan niya ang Kahon. Kaya namatay siya roon sa presensya ng Dios. 11 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[e] 12 Nang araw na iyon, natakot si David sa Dios at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Dios?” 13 Kaya nagpasya siyang huwag na lang dalhin ang Kahon sa kanyang lungsod.[f] Sa halip, iniwan niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 14 Nanatili ito sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Obed Edom at ang lahat ng ari-arian niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 13:5 Lebo Hamat: o, Paakyat ng Hamat.
  2. 13:5 Kahon ng Dios: Ito ang Kahon ng Kasunduan.
  3. 13:6 saan siya nananahan: sa literal, saan tinatawag ang kanyang pangalan.
  4. 13:9 Kidon: o, Nacon.
  5. 13:11 Perez Uza: Ang ibig sabihin, biglang pagparusa kay Uza.
  6. 13:13 kanyang lungsod: sa Hebreo, Lungsod ni David.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(A)

25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[a] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.

29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.

16 Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[b] Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. Binigyan niya ng tinapay, karne,[c] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae.

Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.

Footnotes

  1. 15:27 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
  2. 16:1 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  3. 16:3 karne: Ito ang nasa tekstong Syriac. Sa Hebreo, hindi malinaw ang ibig sabihin nito.