Add parallel Print Page Options

Itiwalag ang Kapatid na Gumagawa ng Masama

Karaniwang naiuulat sa akin na mayroong pakikiapid sa inyo. Ang isa sa inyo ay nakikisama sa asawa ng sarili niyang ama. Ito ay uri ng pakikiapid na hindi ginagawa maging ng mga Gentil.

Nagmamalaki pa kayo sa halip na magdalamhati upang maitiwalag sa inyong kalagitnaan ang gumawa nito. Ito ay sapagkat wala ako sa inyo sa katawan ngunit ako ay nasa inyo sa espiritu. Kaya nga, nahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito gaya ng ako ay naririyan sa inyo. Ginawa ko ito sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, sa inyong pagtitipon, kasama ang aking espiritu, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng ating Panginoong Jesucristo. Ang hatol ko ay ibigay ninyo kay Satanas ang ganiyang tao para sa pagwasak ng kaniyang katawan. Ito ay upang maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoong Jesus.

Ang inyong pagyayabang ay hindi mabuti. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa ng harina? Alisin nga ninyo ang lumang pampaalsa upang kayo ay maging bagong masa ng harina. Kayo nga ay tunay na walang pampaalsa dahil si Cristo, na siyang ating Paglagpas, ay inihain para sa atin. Kaya nga, ipagdiriwang natin ang kapistahan hindi sa pamamagitan ng lumang pampaalsa. Hindi sa pampaalsa ng masamang hangarin o kasamaan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, na ito ay sa katapatan at sa katotohanan.

Isinulat ko sa inyo, sa aking liham na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapang-apid sa sanlibutang ito, o mga mapag-imbot, o mga sakim, o mga sumasamba sa diyos-diyosan. Kung sila ang tinutukoy ko, dapat na kayong umalis sa sanlibutang ito. 11 Sa halip, isinulat ko sa inyo na huwag kayong makikisama sa sinuman na tinatawag na kapatid kung siya ay nakikiapid, o mapag-imbot, o sumasamba sa diyos-diyosan, o mapanirang-puri, o manginginom ng alak, o kaya ay manunuba. Huwag kayong makikisama sa katulad nila, ni makikain man lang.

12 Kaya ano ang karapatan ko upang hatulan ko sila na nasa labas? Hindi ba ninyo hahatulan sila na nasa loob? 13 Sila na nasa labas ay hahatulan ng Diyos. Kaya nga, inyong itiwalag mula sa inyo ang taong masama.

Ang Hatol Laban sa Imoralidad

Sa katunayan ay may naiulat na may pakikiapid na nagaganap sa inyo, na ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama. Ang ganyang uri ng pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano. At nagyayabang pa kayo! Dapat sana'y nalungkot kayo, upang maitiwalag ninyo ang gumagawa nito? Sapagkat kahit wala ako riyan sa katawan, ako'y kasama ninyo sa espiritu. Kaya't para na ring nasa harapan ninyo, humatol na ako sa gumawa ng bagay na ito. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo ang ganyang tao kay Satanas para sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. Hindi tama ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, na talaga namang kayo'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo na kordero ng ating paskuwa ay naialay na. Kaya't magdiwang tayo ng pista, nang walang lumang pampaalsa, ni pampaalsa ng maruming pag-iisip at kasamaan. Sa halip, magdiwang tayo nang may tinapay ng kalinisan at katotohanan, isang tinapay na walang pampaalsa.

Sinabi ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o ang mga sakim at mga magnanakaw, o ang mga sumasamba sa diyus-diyosan; kung gayo'y kailangan ninyong lumabas ng daigdig. 11 Ngayon, isinusulat ko sa inyo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o mapanlait, o lasenggo, o magnanakaw—ni huwag kayong makisalo sa pagkain sa ganyang uri ng tao. 12 Ano ang karapatan kong humatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat hinahatulan ninyo ang mga nasa loob? 13 At ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas. “Palayasin ninyo mula sa inyo ang masamang tao.”