Add parallel Print Page Options

Pag-ibig

13 Kung magsalita ako ng mga wika ng mga tao o ng mga anghel at wala akong pag-ibig, ako ay parang tansong tumutunog o kumakalansing na pompiyang.

Kahit na may kaloob ako ng paghahayag, at ng pagkaalam sa lahat ng mga hiwaga at nasa akin ang lahat ng kaalaman, wala akong halaga kung wala akong pag-ibig. Kahit na may matibay akong pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, kung wala akong pag-ibig, wala akong halaga. Kahit ipamigay ko ang lahat kong tinatangkilik upang mapakain ang mga mahihirap, kahit ibigay ko ang aking katawan para sunugin, kung wala akong pag-ibig, wala akong mapapakinabang.

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit. Ang pag-ibig ay hindi nagmamapuri o nagmamataas. Ito ay hindi nag-uugali ng di-nararapat, hindi ito naghahangad ng sarilingkapakinabangan, hindi madaling magalit at hindi nag-iisip ng masama. Hindi ito nagagalak sa kalikuan kundi nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtatakip ng lahat ng bagay. Ito ay naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagbabata sa lahat ng bagay.

Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroong paghahayag, ang mga ito ay lilipas. Kung may pagsasalita ng mga wika, sila ay titigil.Kung may kaalaman, ito ay lilipas. Ito ay sapagkat alam namin ang ilang bahagi, at naghahayag kami ng ilang bahagi. 10 Ngunit kapag yaong ganap ay darating, ang ilang bahagi na iyon ay lilipas. 11 Nang ako ay bata pa, nagsalita ako tulad ng bata, nag-isip ako tulad ng bata, nangatwiran ako tulad ng bata. Nang ako ay malaki na, iniwan ko na ang mga bagay na pambata. 12 Ito ay sapagkat sa ngayon ay malabo tayong makakakita sa pamamagitan ng salamin, ngunit darating ang panahon na tayo ay magkikita-kita nang harapan. Sa ngayon ang alam ko ay ilang bahagi lamang ngunit darating ang panahon na makakaalam ako tulad ng naging pagkaalam sa akin.

13 Ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananam­palataya, ang pag-asa at ang pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa tatlong ito ay ang pag-ibig.

Ang Pag-ibig

13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.

Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Footnotes

  1. 1 Corinto 13:3 Sa ibang manuskrito upang ako ay magmalaki.