Add parallel Print Page Options

Ang Pag-ibig

13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.

At(A) kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.

At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.

Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob; ang pag-ibig ay hindi maiinggitin, o mapagmalaki o hambog;

hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali.

Hindi ito natutuwa sa masamang gawa, kundi natutuwa sa katotohanan.

Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay.

Ang pag-ibig ay walang katapusan. Subalit maging mga propesiya ay matatapos; maging mga wika ay titigil; maging kaalaman ay lilipas.

Sapagkat ang nalalaman natin ay bahagi lamang at nagsasalita tayo ng propesiya nang bahagi lamang;

10 subalit kapag ang sakdal ay dumating, ang bahagi lamang ay magwawakas.

11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.

12 Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin, ngunit pagkatapos nito ay makikita natin nang mukhaan. Ngayo'y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala.

13 At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Footnotes

  1. 1 Corinto 13:3 Sa ibang mga kasulatan ay upang ako ay magmalaki .