Add parallel Print Page Options

Babala sa Pagsamba sa mga Dios-diosan

10 Mga kapatid, gusto kong malaman ninyo ang nangyari sa aming mga ninuno noon na kasama ni Moises. Ginabayan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang ulap na nanguna sa kanila, at tinulungan sila sa kanilang pagtawid sa Dagat na Pula. Sa pamamagitan ng ulap at ng dagat ay parang binautismuhan sila bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng pagkaing mula sa Dios. At uminom din silang lahat ng inuming ibinigay niya, dahil uminom sila ng tubig na pinaagos ng Dios mula sa Bato. Ang Batong iyon na sumama sa kanila ay walang iba kundi si Cristo. Ngunit sa kabila nito, karamihan sa kanila ay gumawa ng hindi kalugod-lugod sa Dios, at dahil dito, nangalat ang kanilang mga bangkay sa ilang.

Ang mga nangyaring iyon sa kanila ay nagsisilbing aral sa atin para mabigyan tayo ng babala upang hindi tayo hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad ng ginawa nila. Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan, tulad ng ginawa ng iba sa kanila. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Nagpista ang mga tao, nag-inuman at nagsayawan sa pagsamba nila sa mga dios-diosan.”[a] Huwag kayong gumawa ng sekswal na imoralidad, tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya pinarusahan sila ng Dios, at 23,000 ang namatay sa kanila sa loob lang ng isang araw. Huwag ninyong subukin ang Panginoon tulad ng ginawa ng iba sa kanila, kaya namatay sila sa tuklaw ng mga ahas. 10 Huwag din kayong mareklamo tulad ng ilan sa kanila, kaya pinatay sila ng Anghel ng kamatayan.

11 Ang mga bagay na itoʼy nangyari bilang halimbawa sa atin, at isinulat upang magsilbing babala sa ating mga nabubuhay sa panahong nalalapit na ang katapusan ng lahat.

12 Kaya kung iniisip ninyo na matatag na kayo sa inyong pananampalataya, mag-ingat kayo at baka mahulog kayo sa kasalanan! 13 Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito.

14 Kaya mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan. 15 Sinasabi ko ito sa inyo bilang mga taong nakakaunawa, kaya pag-isipan ninyo ang sinasabi ko. 16 Sa tuwing nagtitipon tayo bilang pag-alaala sa kamatayan ni Cristo, may iniinom tayo na ating pinasasalamatan sa Dios at may tinapay din tayong hinahati-hati at kinakain. Hindi baʼt pakikibahagi ito sa dugo at katawan ni Cristo? 17 Kaya nga, iisang katawan lang tayo kahit maraming bahagi, dahil iisang tinapay lang ang ating pinagsasaluhan.

18 Tingnan ninyo ang mga Israelita. Ang mga kumakain ng mga handog ay mga kabahagi sa gawain sa altar. 19 Ano ang ibig kong sabihin? Sinasabi ko ba na may kabuluhan ang mga dios-diosan o ang pagkaing inihandog sa kanila? 20 Hindi! Ang ibig kong sabihin ay inialay nila ang mga handog na iyan sa masasamang espiritu at hindi sa Dios. Ayaw kong maging kabahagi kayo ng masasamang espiritu. 21 Hindi tayo maaaring makiinom sa baso ng Panginoon at sa baso ng masasamang espiritu, at hindi rin tayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng masasamang espiritu. 22 Gusto ba nating magselos ang Panginoon? Mas makapangyarihan ba tayo kaysa sa kanya?

23 Maaari nating gawin ang kahit ano, pero hindi lahat ay nakakabuti o nakakatulong. 24 Huwag lamang ang sarili ninyong kapakanan ang inyong isipin kundi ang kapakanan din ng iba.

25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa pamilihan ng karne at huwag nang magtanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 26 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Ang mundo at ang lahat ng naroroon ay pag-aari ng Panginoon.”

27 Kung imbitahan kayo ng isang hindi mananampalataya sa isang salo-salo at gusto ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi na nagtatanong kung ito baʼy inihandog sa mga dios-diosan o hindi, upang hindi na kayo usigin ng inyong konsensya. 28 Ngunit kung sinabihan kayo na ang pagkain ay inihandog sa mga dios-diosan, huwag na kayong kumain, alang-alang sa nagsabi nito sa inyo, upang walang mabalisang konsensya. 29 Hindi ang inyong konsensya ang ibig kong tukuyin, kundi ang konsensya ng inyong kapwa.

Maaaring sabihin ng iba sa inyo, “Bakit ko hahadlangan ang gusto ko dahil lang sa konsensya ng iba? 30 Bakit ako susumbatan sa pagkain ko ng isang bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Dios?” 31 Ito ang maisasagot ko riyan: Anuman ang inyong gawin, kumain man o uminom, gawin ninyo ang lahat sa ikapupuri ng Dios. 32 Huwag kayong gagawa ng kahit anong makakatisod sa pananampalataya ng mga Judio o hindi Judio, o sa iglesya ng Dios. 33 Sundin ninyo ang aking ginagawa: Sinisikap ko na sa lahat ng aking ginagawa ay matutulungan ko ang lahat. Hindi ang sarili kong kapakanan ang aking iniisip kundi ang kapakanan ng iba upang maligtas sila.

Footnotes

  1. 10:7 Exo. 32:6.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

10 Mga (A) kapatid, nais kong malaman ninyo na ang ating mga ninuno ay napasailalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. Silang (B) lahat ay kumain ng parehong pagkaing espirituwal; at (C) lahat ay uminom ng parehong inuming espirituwal. Sapagkat sila'y uminom mula sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. Ngunit (D) hindi nasiyahan ang Diyos sa karamihan sa kanila, at sila'y pinuksa sa ilang. Ang (E) mga bagay na ito'y nagsisilbing halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay katulad nila. Huwag (F) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, tulad ng iba sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Naupo ang taong-bayan upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” Huwag (G) tayong makiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't sa loob ng isang araw ay may dalawampu't tatlong libo ang namatay.[a] Huwag (H) nating subukin si Cristo na gaya ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila, kaya't sila'y nilipol ng mga ahas. 10 Huwag (I) din tayong magreklamo, gaya ng iba na nagreklamo, at sila'y pinuksa ng taga puksa. 11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at isinulat bilang babala sa atin na inabutan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. 13 Ang bawat tuksong nararanasan ninyo ay pawang karaniwan sa tao. Ngunit mapagkakatiwalaan ang Diyos, at hindi niya hahayaang kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay magbibigay siya ng paraan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayanan.

14 Kaya, mga minamahal ko, layuan ninyo ang pagsamba sa diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matitinong tao; kayo na ang humatol sa sinasabi ko. 16 Ang (J) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikibahagi sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikibahagi sa katawan ni Cristo? 17 Sapagkat may isang tinapay at tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay. 18 Tingnan (K) ninyo ang Israel ayon sa laman, hindi ba't ang mga kumakain ng mga alay ay kabahagi sa dambana? 19 Ano nga ang ibig kong sabihin? Na ang alay sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! (L) Sa halip, ang mga bagay na iniaalay ng mga pagano ay iniaalay nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at ayaw kong kayo'y maging kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at pati ang kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 (M) Ibubunsod ba natin sa panibugho ang Panginoon? Mas malakas ba tayo kaysa kanya?

Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos

23 “Maaaring gawin (N) ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaaring gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ay makapagpapatibay. 24 Huwag maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan kundi para sa kapakanan ng iba. 25 Kainin ninyo ang lahat ng ipinagbibili sa pamilihan nang walang pagtatanong dahil sa budhi, 26 sapagkat (O) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.” 27 Kung anyayahan kayo ng isa sa mga hindi sumasampalataya at nais ninyong pumunta, anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo nang walang pagtatanong dahil sa budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Inialay ito bilang handog sa templo,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahil sa budhi. 29 Ang tinutukoy ko ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay hahatulan ng budhi ng iba? 30 Kung ako'y nakikisalo nang may pasasalamat sa Diyos, bakit ako'y pipintasan dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo man ay kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng gulo para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, 33 katulad ng pagsisikap kong bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakanan, kundi ang kapakanan ng marami, upang sila'y maligtas.

Footnotes

  1. 1 Corinto 10:8 Sa Griyego, nabuwal.