Add parallel Print Page Options

Nangako ang Dios na Pagpapalain Niya ang Jerusalem

1-2 Sinabing muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Labis ang aking pagmamalasakit sa Zion. At dahil sa labis kong pagmamalasakit, matindi ang galit ko sa mga kaaway nito. Babalik ako sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, at maninirahan doon. Ang Jerusalem ay tatawaging Tapat na Lungsod at ang aking bundok[a] ay tatawaging Banal na Bundok. Mauupong muli sa mga plasa ng Jerusalem ang matatandang nakatungkod dahil sa katandaan. At mapupuno ang mga plasa ng mga batang naglalaro.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Maaaring imposible itong mangyari sa isip ng mga natitira kong mga mamamayan, pero hindi ito imposible sa akin. Ililigtas ko ang aking mga mamamayang binihag at dinala sa mga lupain sa silangan at sa kanluran. Dadalhin ko sila pabalik sa Jerusalem at patitirahin doon. At minsan pang magiging mga mamamayan ko sila at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Dios.”

Sinabi pa ng Makapangyarihang Panginoon, “Ang mga mensaheng ito ay sinabi rin ng mga propeta noong itinayong muli ang pundasyon ng aking templo. At ngayong napakinggan ninyo itong muli, magpakatatag kayo upang matapos ninyo ang pagpapatayo ng templo. 10 Noong hindi pa sinisimulan ang muling pagpapatayo ng templo, walang pambayad sa mga taong nagtatrabaho at sa mga hayop na ginagamit sa pagtatrabaho, at mapanganib kahit saan dahil pinag-aaway-away ko ang mga tao. 11 Ngunit ngayon, ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi na hindi ko na gagawin iyan sa inyong mga natitira. 12 Mapayapa kayong magtatanim.[b] Magbubunga ang inyong mga tanim na ubas, aani ang inyong mga bukirin, at magkakaroon na ng hamog. Ibibigay ko ang lahat ng ito sa inyo na mga natira. 13 Mga taga-Juda at taga-Israel, isinusumpa kayo ng ibang mga bansa. Ngunit ililigtas ko kayo at magiging pagpapala kayo sa kanila. Kaya huwag kayong matakot, sa halip magpakatatag kayo.”

14 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Noong ginalit ako ng inyong mga ninuno, napagpasyahan kong parusahan kayo at huwag kahabagan. 15 Ngunit napagpasyahan ko ngayon na muling maging mabuti sa Jerusalem at Juda. Kaya huwag kayong matakot. 16 Ito ang dapat ninyong gawin: Magsabi kayo ng totoo sa isaʼt isa. Humatol kayo nang tama sa inyong mga hukuman para sa ikabubuti ng lahat. 17 Huwag kayong magbalak ng masama laban sa inyong kapwa, at huwag kayong susumpa ng kasinungalingan dahil ang lahat ng iyan ay aking kinapopootan.”

18-19 Muling sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ang pag-aayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ay magiging masayang araw ng pagdiriwang para sa mga taga-Juda. Kaya pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.[c] 20 Maraming tao ang darating sa Jerusalem mula sa ibaʼt ibang lungsod. 21 Ang mga mamamayan ng isang lungsod ay pupunta sa isang lungsod at sasabihin nila, ‘Pupunta kami para dumulog at manalangin sa Panginoong Makapangyarihan. Halikayo, sumama kayo sa amin.’

22 “Maraming taong mula sa makapangyarihang mga bansa ang pupunta sa Jerusalem upang dumulog at manalangin sa akin. 23 At sa araw na iyon, sampung dayuhan na galing sa ibang mga bansa na may ibaʼt ibang wika ang lalapit sa isang Judio at sasabihin, ‘Gusto naming sumama sa inyo, dahil narinig namin na ang Dios ay kasama ninyo.’ ”

Footnotes

  1. 8:3 bundok: Ang Bundok ng Zion, na kung saan naroon ang templo.
  2. 8:12 Mapayapa kayong magtatanim: o, Malusog na tutubo ang mga binhing itinanim.
  3. 8:18-19 kapayapaan: o, magkaroon ng mabuting relasyon sa bawat isa.