Add parallel Print Page Options

Ang Wastong Aral

Subalit ikaw naman, magturo ka nang ayon sa tamang aral. Turuan mo ang matatandang lalaki na maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis. Sabihan mo rin ang matatandang babae na mamuhay na kagalang-galang, huwag maninirang-puri at huwag maging mahilig sa alak. Dapat silang magturo ng kabutihan upang maturuan nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, maging mahinahon at dalisay, mahusay mamahala ng kanyang tahanan, mabait, masunurin sa kani-kanilang asawa upang hindi mapulaan ang salita ng Diyos. Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na magpigil sa sarili. Sa lahat ng bagay ay maging halimbawa ka ng kabutihan. Maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Angkop na salita ang dapat mong gamitin upang hindi mapintasan ang itinuturo mo. Sa gayo'y mapapahiya ang mga kumakalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin. Turuan mo ang mga alipin na magpasakop at maging kalugud-lugod sa kanilang mga panginoon. Hindi rin sila dapat nakikipagtalo sa mga ito, 10 at hindi dapat pagnakawan. Sa halip, ipakita nilang mapagkakatiwalaan sila sa lahat ng pagkakataon upang maipakita nila sa kanilang ginagawa na kaakit-akit ang turo tungkol sa Diyos na ating Tagapagligtas.

11 Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. 12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at mga pagnanasang makasanlibutan, upang mabuhay tayong may pagpipigil sa sarili, matuwid at maka-Diyos sa kasalukuyang panahon, 13 habang hinihintay natin ang katuparan ng ating mapagpalang pag-asa, ang maluwalhating pagdating ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. 14 Siya (A) ang naghandog ng kanyang sarili para sa atin upang tayo'y palayain sa lahat ng kasamaan, at linisin upang maging sambayanang kanyang pag-aari at masigasig sa paggawa ng mabuti. 15 Ituro mo ang lahat ng ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang magpalakas ng loob ng tao at sa pagsaway. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.