Add parallel Print Page Options

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag. Si (A) Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan. Sa halip, tulad ng nasusulat, “Sa akin bumagsak ang mga pag-alipusta nila sa iyo.” Anumang isinulat noong una ay isinulat upang turuan tayo, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapasigla na nagmumula sa Kasulatan. Ang Diyos, na pinagmumulan ng tatag at sigla ang siya nawang magkaloob sa inyo ng pagkakasundo na naaayon kay Cristo Jesus. Sa gayon, kayong nabuklod sa isang diwa, ay magpuring iisang tinig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Judio at sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, kung paanong tinanggap kayo ni Cristo, upang luwalhatiin ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo na si Cristo ay naging lingkod ng mga Judio[a] upang ipakita ang katapatan ng Diyos at upang pagtibayin ang kanyang mga pangako sa mga ninuno, at (B) upang ang mga Hentil ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag, gaya ng nasusulat,

“Kaya't kikilalanin kita sa gitna ng mga Hentil,
    at aawitan ko ng papuri ang iyong pangalan.”

10 Sinabi rin, (C)

“Magdiwang kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”

11 At sinabi rin, (D)

“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil;
    at purihin siya ng lahat ng mga bansa.”

12 Sinabi (E) rin ni Isaias,

“Ang ugat ni Jesse ay sisibol,
    upang maghari sa mga bansa, siya'y babangon;
    Ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya itutuon.”

13 Ang Diyos ng pag-asa ang nawa'y magbuhos sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, upang kayo'y mag-umapaw sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Ang Pagsusugo kay Pablo

14 Ako mismo ang lubos na naniniwala, mga kapatid ko, na kayo'y punung-puno ng kabutihan, ng lubos na kaalaman, at kaya ninyong magturo sa isa't isa. 15 Gayunman, sa ibang bahagi ng sulat na ito'y buong loob akong nagpapaalala sa inyo tungkol sa ibang bagay. Ginawa ko ito dahil sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus sa mga Hentil. Isang banal na gawain ang aking pangangaral ng ebanghelyo, upang ang mga Hentil ay maging kalugud-lugod na handog sa Diyos, yamang sila ay ginawang banal ng Banal na Espiritu. 17 Dahil kay Cristo Jesus, ipinagmamalaki ko ang paglilingkod ko sa Diyos. 18 Hindi ako maglalakas-loob magsalita ng anumang bagay maliban sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, upang akayin ang mga Hentil sa pagsunod sa Diyos, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[b] Kaya't lubos kong naipangaral ang ebanghelyo ni Cristo mula sa Jerusalem at palibut-libot hanggang sa Ilirico. 20 Ang hangarin ko'y maipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyong inilagay ng iba. 21 Sa halip, (F) gaya ng nasusulat,

“Silang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya ay makakikita,
    at silang hindi pa nakaririnig ay makauunawa.”

Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito (G) ang dahilan kung bakit ako'y madalas na hindi matuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Subalit ngayong wala nang lugar na maaari kong puntahan para sa gawain sa mga lupaing ito, at dahil maraming taon ko na ring nais na madalaw kayo, 24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan ko riyan patungong Espanya. Inaasahan ko ring matutulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungo roon, matapos tayong magkasama-sama nang kaunting panahon. 25 Samantala, papunta (H) ako ngayon sa Jerusalem, na may dalang tulong sa mga kapatid[c] doon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaia na magkaloob ng tulong para sa mga dukhang kapatid na nasa Jerusalem. 27 Malugod (I) nilang ginawa iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga Judio. Sapagkat ang mga Hentil ay naging kabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat lamang nilang tulungan ang mga Judio sa mga bagay na materyal. 28 Kapag nagawa ko na ito, at natiyak kong natanggap na nila ang kaloob na ito, daraan ako sa inyo patungong Espanya. 29 At alam kong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

30 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo ako sa taimtim na pananalangin sa Diyos alang-alang sa akin. 31 Idalangin ninyong mailigtas ako sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko[d] para sa kanila. 32 Sa gayon, ayon sa kalooban ng Diyos, ay makarating nawa ako sa inyo nang may kagalakan, at magtamasa ng ginhawa na kasama ninyo. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

Footnotes

  1. Roma 15:8 Sa Griyego, pagtutuli.
  2. Roma 15:19 Sa ibang manuskrito Espiritu Santo.
  3. Roma 15:25 Sa Griyego, banal.
  4. Roma 15:31 paglilingkod ko: Sa ibang matatandang manuskritopagdadala ng kaloob.