Add parallel Print Page Options

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati
dahil sa pamalo ng kanyang poot.
Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag;
tunay na laban sa akin
    ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon.

Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat,
    at binali niya ang aking mga buto.
Sinakop at kinulong niya ako
    sa kalungkutan at paghihirap.
Pinatira niya ako sa kadiliman,
    gaya ng mga matagal nang patay.
Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas;
    pinabigat niya ang aking tanikala.
Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong,
    kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin;
kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato,
    kanyang iniliko ang mga landas ko.

10 Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang,
    parang leon na nasa kubling dako.
11 Iniligaw niya ang aking mga lakad,
    at ako'y pinagputul-putol;
ginawa niya akong wasak.
12 Binanat niya ang kanyang busog
    at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana.

13 Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso
    mula sa kanyang lalagyan.
14 Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan,
    ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon.
15 Pinuno niya ako ng kapanglawan,
    kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman.

16 Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko,
    at pinamaluktot ako sa mga abo.
17 Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan;
    nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan.
18 Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking pag-asa sa Panginoon.”

19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
    ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
    at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
    kaya't mayroon akong pag-asa:

22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
    ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
    dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
    “kaya't ako'y aasa sa kanya.”

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
    sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
    para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
    kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
    baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
    at mapuno siya ng pagkutya.

31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
    siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
    o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.

34 Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa,
35 upang sikilin ang karapatan ng tao
    sa harapan ng Kataas-taasan,
36 upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin,
    na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon.

37 Sino ang nagsasalita at ito ay nangyayari,
    malibang ito ay iniutos ng Panginoon?
38 Hindi ba sa bibig ng Kataas-taasan
    nagmumula ang masama at mabuti?
39 Bakit magrereklamo ang taong may buhay,
    ang tao, tungkol sa parusa sa kanyang mga kasalanan?

40 Ating subukin at suriin ang ating mga lakad,
    at manumbalik tayo sa Panginoon!
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay
    sa Diyos sa langit:
42 “Kami ay sumuway at naghimagsik,
    at hindi ka nagpatawad.

43 “Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami;
    na pumapatay ka nang walang awa.
44 Binalot mo ng ulap ang iyong sarili
    upang walang panalanging makatagos.
45 Ginawa mo kaming patapon at basura
    sa gitna ng mga bayan.
46 “Ibinuka ng lahat naming mga kaaway
    ang kanilang bibig laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak.
48 Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha
    dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

49 “Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga,
50 hanggang sa ang Panginoon ay tumungo at tumingin mula sa langit.
51 Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa,
    dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod.

52 “Ako'y tinugis na parang ibon,
    ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan.
53 Pinatahimik nila ako sa hukay
    at nilagyan ng bato sa ibabaw ko.
54 Ang tubig ay lumampas sa aking ulo;
    aking sinabi, ‘Ako'y wala na.’

55 “Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O Panginoon,
    mula sa kalaliman ng hukay;
56 pinakinggan mo ang aking pakiusap! ‘Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo,
    mula sa paghingi ko ng tulong!’
57 Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo;
    iyong sinabi, ‘Huwag kang matakot.’

58 “Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O Panginoon,
    tinubos mo ang aking buhay.
59 Nakita mo ang pagkakamaling ginawa sa akin, O Panginoon
    hatulan mo ang aking usapin.
60 Nakita mo ang lahat nilang paghihiganti,
    at ang lahat nilang pakana laban sa akin.

61 “Narinig mo ang kanilang pagtuya, O Panginoon,
    at lahat nilang pakana laban sa akin.
62 Ang mga labi at pag-iisip ng mga tumutugis sa akin
    ay laban sa akin sa buong maghapon.
63 Masdan mo ang kanilang pag-upo at ang kanilang pagtayo,
    ako ang pinatutungkulan ng kanilang mga awit.

64 “Pagbabayarin mo sila, O Panginoon,
    ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
65 Papagmamatigasin mo ang kanilang puso,
    ang iyong sumpa ay darating sa kanila.
66 Hahabulin mo sila sa galit at iyong lilipulin sila,
    mula sa silong ng mga langit, O Panginoon.”