Add parallel Print Page Options

Naglakbay si Pablo Papuntang Roma

27 Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Batalyon ng Emperador.” Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na isang taga-Macedonia na nagmula sa Tesalonica. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabuti ang pakikitungo ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lungsod ng Licia. Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon.

Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa panig ng Creta na kubli sa hangin, sa tapat ng Salmone. Nahirapan kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea.

Mahabang panahon na kaming naglalakbay. Mapanganib na ang magpatuloy dahil nakaraan na ang Araw ng Pag-aayuno,[a] kaya't pinayuhan sila ni Pablo. 10 Sabi niya, “Mga ginoo, sa tingin ko'y mapanganib na ang maglakbay mula ngayon, at mapipinsala ang mga kargamento at ang barko, at manganganib pati ang buhay natin.”

11 Ngunit higit na pinahalagahan ng kapitan ng mga sundalo ang salita ng may-ari at kapitan ng barko kaysa sa payo ni Pablo. 12 Dahil hindi mabuting tigilan ang daungang iyon kung panahon ng taglamig, minabuti ng nakararami na magpatuloy sila sa kanilang paglalakbay, sa pag-asang makarating sila sa Fenix at doon magpalipas ng taglamig. Ito'y isang daungan sa Creta, na nakaharap sa hilagang-kanluran at timog-kanluran.

Ang Bagyo sa Dagat

13 Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. 14 Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hangin na tinatawag na Hanging Hilagang-silangan. 15 Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. 16 Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang bangka ng barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. 17 Nang maisampa na ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. 18 Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. 19 At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. 20 Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21 Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganitong pinsala. 22 Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. 23 Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at siya kong pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ 25 Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. 26 Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.”

27 Ikalabing-apat na gabi na noon na kami'y napapadpad sa gitna ng Dagat Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga mandaragat na nalalapit na kami sa pampang. 28 Gamit ang isang panaling may pabigat sa dulo, sinukat nila ang lalim ng tubig at nakitang may apatnapung metro ito. Pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. 29 Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. 30 Tinangka ng mga mandaragat na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan ng barko. 31 Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog.

33 Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. 34 Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi mapapahamak ang sinuman sa inyo!” 35 At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. 37 Kaming lahat ay dalawang daan at pitumpu't anim[b] na katao. 38 Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko.

Ang Pagkawasak ng Barko

39 Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang look na may dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. 40 Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. 41 Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon.

42 Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. 43 Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. 44 Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At sa gayon, kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan.

Footnotes

  1. 9 ARAW NG PAG-AAYUNO: Ginaganap ito sa pagtatapos ng Setyembre o sa pagsisimula ng Oktubre. Sa panahong ito, mapanganib ang paglalakbay sa dagat dahil sa sama ng panahon.
  2. 37 dalawang daan at pitumpu't anim: Sa ibang manuskrito'y pitumpu't anim .