Add parallel Print Page Options

Ang mga Pari at Levita ay Ibinukod

Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.

Ito(A) ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar.

Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari.

Subalit(B) sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng Panginoon nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng Panginoon sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pari sa harap ni Aaron na kanilang ama.

Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya.

Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.

At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo.

Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel.

10 Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin.”

11 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

12 “Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin.

13 Lahat(C) ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.”

Ang Bilang at Katungkulan ng mga Levita

14 Nagsalita ang Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,

15 “Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo.”

16 Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kanya.

17 Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari.

18 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei.

19 Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel.

20 Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

21 Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita.

22 Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan.

23 Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran.

24 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael.

25 Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan,

26 ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon.

27 Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita.

28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo.

29 Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog.

30 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel.

31 Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing—lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito.

32 Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo.

33 Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.

34 Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan.

35 Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga.

36 Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan—lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito;

37 gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon.

38 Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin.

39 Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo.

40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan.

41 Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.”

42 Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoon.

43 Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo.

Pantubos sa mga Panganay

44 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

45 “Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.

46 Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita,

47 ay kukuha ka ng limang siklo[a] para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera[b]).

48 Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang.”

49 At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita,

50 mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo.

51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Footnotes

  1. Mga Bilang 3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.
  2. Mga Bilang 3:47 Tingnan sa Talaan ng mga Timbang at Sukat.