Add parallel Print Page Options

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
    Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
maging mababa at mataas,
    mayaman at dukha na magkakasama!
Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
    ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
    ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.

Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
    kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
    at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
    ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
    at dapat siyang huminto magpakailanman,
na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
    na siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
    ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
    at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
    kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
    tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
    siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.

13 Ito ang daan noong mga hangal,
    at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)

14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
    ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
    at ang kanilang anyo ay maaagnas;
    ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
    sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)

16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
    kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
    at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
    na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
    ay gaya ng mga hayop na namamatay.