Add parallel Print Page Options

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(A)

Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado[a] ang isang kamay.

Kanilang minamatyagan si Jesus[b] kung kanyang pagagalingin ang lalaki[c] sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila.

Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Lumapit ka.”

At sinabi niya sa kanila, “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?” Ngunit sila'y tahimik.

Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay.

Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea.

Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon.

At(B) sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin.

10 Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo.

11 At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos.”

12 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(C)

13 Siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang kanyang mga naibigan at lumapit sila sa kanya.

14 Humirang siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol[d] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral,

15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo:

16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon na kanyang pinangalanang Pedro;

17 si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago na tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay mga Anak ng Kulog;

18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo;

19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya.

Si Jesus at si Beelzebul(D)

20 At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain.

21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, “Wala siya sa sarili.”

22 At(E) sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, “Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”

23 Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, “Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas?

24 Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon.

25 At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon.

26 Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas.

27 Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito.

28 “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin.

29 Ngunit(F) sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan,”

30 sapagkat sinabi nila, “Siya'y may masamang espiritu.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(G)

31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.

32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”

33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”

34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!

35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Footnotes

  1. Marcos 3:1 Sa Griyego ay tuyo .
  2. Marcos 3:2 Sa Griyego ay siya .
  3. Marcos 3:2 Sa Griyego ay siya .
  4. Marcos 3:14 Sa ibang mga kasulatan ay wala ang mga salitang na tinawag din niyang mga apostol .