Add parallel Print Page Options

10 Kahabag-habag sila na nag-uutos ng masasamang utos,
    at ang mga manunulat na sumusulat ng mga pang-aapi.
Upang ilayo sa katarungan ang nangangailangan,
    at upang alisin ang karapatan ng dukha ng aking bayan,
upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam,
    at upang kanilang gawing mga biktima ang mga ulila!
Ano ang inyong gagawin sa araw ng pagpaparusa,
    sa bagyo na darating mula sa malayo?
Kanino kayo tatakas upang kayo'y tulungan,
    at saan ninyo iiwan ang inyong kayamanan?
Walang nalabi kundi ang mamaluktot na kasama ng mga bilanggo,
    o mabubuwal na kasama ng mga napatay.
Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

Hoy,(A) taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit,
    siyang tungkod ng aking poot!
Aking susuguin siya laban sa isang masamang bansa,
    at laban sa bayan na aking kinapopootan ay inuutusan ko siya,
upang manamsam at manunggab,
    at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.
Gayunma'y hindi niya inaakalang gayon,
    at hindi gayon ang iniisip ng kanyang puso;
ngunit ang nasa kanyang puso ang mangwasak,
    at lipulin ang mga bansa na hindi kakaunti.
Sapagkat kanyang sinasabi,
“Hindi ba ang aking mga punong-kawal ay haring lahat?
Hindi ba ang Calno ay gaya ng Carquemis?
    Hindi ba ang Hamat ay gaya ng Arpad?
    Hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?
10 Kung paanong nakaabot ang aking kamay hanggang sa mga kaharian ng mga diyus-diyosan,
    na ang mga larawan nilang inanyuan ay mas marami kaysa Jerusalem at sa Samaria;
11 hindi ko ba gagawin sa Jerusalem at sa kanyang mga diyus-diyosan,
    ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyosan?”

12 Kaya't kapag naisagawa ng Panginoon ang lahat niyang gawain sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, kanyang parurusahan ang palalong paghahambog ng hari ng Asiria, at ang kanyang mga mapagmataas na kapalaluan.

13 Sapagkat kanyang sinabi:

“Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay
    at sa aking karunungan, sapagkat ako'y may pang-unawa;
aking inalis ang mga hangganan ng mga tao,
    at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan,
    at parang matapang na toro na ibinaba ko ang mga nakaupo sa mga trono.
14 At natagpuan ng aking kamay na parang pugad
    ang mga kayamanan ng mga tao;
kaya't aking pinulot ang buong lupa
    na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan,
at walang nagkilos ng pakpak,
    o nagbuka man ng bibig o sumiyap.”

15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa gumagamit niyon?
    O magmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyon?
Na parang dapat itaas ng pamalo ang nagtataas niyon,
    o na parang dapat itaas ng tungkod siya na hindi kahoy.
16 Kaya't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo,
    ay magpaparating ng nakapanghihinang karamdaman sa kanyang matatabang mandirigma
at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas
    na gaya ng ningas ng apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging apoy,
    at ang kanyang Banal ay pinakaliyab;
at susunugin at lalamunin nito
    ang kanyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18 At kanyang wawasakin ang kaluwalhatian ng kanyang gubat,
    at ng kanyang mabungang lupain,
    ang kaluluwa at gayundin ang katawan; at magiging gaya ng maysakit na nanghihina.
19 At ang nalabi sa mga punungkahoy ng kanyang gubat ay mangangaunti,
    na ang mga iyon ay kayang bilangin ng bata.

20 At sa araw na iyon, ang nalabi sa Israel at ang nakatakas sa sambahayan ni Jacob, hindi na magtitiwala pa uli sa kanya na nanakit sa kanila; kundi magtitiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.

21 Ang isang nalabi ay babalik, ang nalabi ng Jacob, sa makapangyarihang Diyos.

22 Sapagkat(B) bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, tanging ang nalabi lamang sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naiutos na, na inaapawan ng katuwiran.

23 Sapagkat ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay gagawa ng lubos na kawakasan, gaya ng inuutos, sa gitna ng buong lupa.

Sumama rin ang Asiria

24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, “O bayan kong tumatahan sa Zion, huwag kayong matakot sa taga-Asiria kapag kayo ay sinaktan ng pamalo at itaas ang kanyang tungkod laban sa iyo, gaya ng ginawa ng mga Ehipcio.

25 Sapagkat kaunting panahon na lamang at ang aking pagkagalit ay matatapos na, at ang aking galit ay matutuon sa kanilang ikawawasak.

26 Ang Panginoon ng mga hukbo ay hahawak ng panghampas laban sa kanila, gaya nang kanyang paluin ang Midian sa bato ng Oreb. At ang kanyang panghampas ay aabot sa dagat, at kanyang itataas na gaya ng kanyang ginawa sa Ehipto.

27 At sa araw na iyon, ang pasan niya ay mawawala sa iyong balikat, at ang kanyang pamatok ay mawawasak mula sa iyong leeg.”

Siya ay umahon mula sa Rimon.
28     Siya'y dumating sa Ajad,
siya'y nagdaan sa Migron;
    itinabi niya sa Micmash ang kanyang mga dala-dalahan.
29 Sila'y nakatawid sa landas;
    sila'y nagpalipas ng gabi sa Geba.
Ang Rama ay nanginginig;
    ang Gibea ni Saul ay tumakas.
30 Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Galim!
    Makinig ka, O Lais!
    Sagutin mo siya, O Anatot!
31 Ang Madmena ay nasa pagtakas,
    ang mga nananahan sa Gebim ay nagsisitakas upang maligtas.
32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob;
    kanyang kakalugin ang kanyang kamao
    sa bundok ng anak na babae ng Zion,
    na burol ng Jerusalem.

33 Tingnan mo, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo,
    ang mga sanga sa pamamagitan ng kakilakilabot na kapangyarihan,
at ang napakataas ay ibubuwal
    at ang matatayog ay ibababa.
34 Kanyang puputulin ang mga sukal ng gubat sa pamamagitan ng palakol,
    at ang Lebanon at ang maharlika nitong mga puno ay babagsak.