Add parallel Print Page Options

Nananabik ang Diyos sa Pagbabalik ng Suwail na Bayan

11 Nang(A) bata pa ang Israel, minahal ko siya,
    at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.
Habang lalo ko silang tinatawag
    ay lalo naman silang lumalayo sa akin
sila'y patuloy na nag-aalay sa mga Baal,
    at nagsusunog ng mga kamanyang sa mga diyus-diyosan.

Gayunma'y ako ang nagturo sa Efraim na lumakad;
    kinalong ko sila sa aking mga bisig;
    ngunit hindi nila nalaman na pinagaling ko sila.
Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao,
    ng mga panali ng pag-ibig.
Sa kanila ako'y naging gaya
    ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga;
    at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.
Sila'y hindi babalik sa lupain ng Ehipto;
    ngunit ang Asiria ang magiging hari nila,
    sapagkat sila'y tumangging manumbalik sa akin.
Ang tabak ay magngangalit sa kanilang mga lunsod,
    at tutupukin ang mga halang sa kanilang mga pintuan,
    at lalamunin sila dahil sa kanilang sariling mga pakana.
Ang bayan ko ay mahilig lumayo sa akin.
    Bagaman tumatawag sila sa Kataas-taasan,
    walang sinumang nagtataas sa kanya.

Paano(B) kitang pababayaan, O Efraim?
    Paano kita itatakuwil, O Israel?
Paano kita gagawing tulad ng Adma?
    Paano kita ituturing na tulad ng Zeboim?
Ang aking puso ay nabagbag sa loob ko,
    ang aking habag ay nagningas.

Hindi ko igagawad ang aking mabangis na galit,

    hindi ako babalik upang wasakin ang Efraim;
sapagkat ako'y Diyos, at hindi tao;
    ang Banal sa gitna mo;
    at hindi ako darating na may poot.

10 Sila'y lalakad nang ayon sa Panginoon,
    siya'y uungal na parang leon; kapag siya'y umungal,
    ang kanyang mga anak ay darating na nanginginig mula sa kanluran.
11 Sila'y darating na nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto,
    at parang mga kalapati mula sa lupain ng Asiria;
    at ibabalik ko sila sa kanilang mga tahanan, sabi ng Panginoon.

Ang Kasinungalingan at Pang-aapi ng Efraim

12 Pinalibutan ako ng Efraim ng kasinungalingan,
    at ng sambahayan ni Israel ng daya;
ngunit ang Juda ay lumalakad pa ring kasama ng Diyos,
    at tapat pa rin sa Banal.