Add parallel Print Page Options

Ang Pagtawag ng Dios kay Abram

12 Ngayon, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bansa, ang mga kamag-anak mo, at kahit ang sambahayan ng iyong ama, at pumunta ka sa lugar na ipapakita ko sa iyo.

Gagawin kong isang tanyag na bansa ang lahi mo.
    Pagpapalain kita at magiging tanyag ang iyong pangalan.
    Sa pamamagitan mo, marami ang pagpapalain.
Pagpapalain ko ang magmamagandang loob sa iyo.
    Pero isusumpa ko naman ang susumpa sa iyo.
    Sa pamamagitan mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo.”

4-5 Kaya umalis si Abram sa Haran at pumunta sa Canaan, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya. Nasa 75 taong gulang noon si Abram. Sumama sa kanya ang pamangkin niyang si Lot. Kasama rin niya ang asawa niyang si Sarai at ang lahat ng ari-arian at aliping natipon nila sa Haran.

Pagdating nila sa Canaan, nagpatuloy sila hanggang sa nakarating sa malaking puno[a] ng Moreh roon sa Shekem. (Nang panahong iyon, naroon pa ang mga Cananeo). Pagkatapos, nagpakita ang Panginoon kay Abram at sinabi sa kanya, “Ang lupaing ito ay ibibigay ko sa mga lahi mo.” Kaya gumawa ng altar si Abram para sa Panginoon.

Mula roon, lumipat sila sa bundok na nasa silangan ng Betel, at doon sila nagtayo ng tolda, sa kalagitnaan ng Betel at Ai. Ang Betel ay nasa kanluran at ang Ai naman ay nasa silangan. Gumawa rin doon si Abram ng altar at sumamba sa Panginoon. Hindi nagtagal, muli silang lumipat. Nagpatuloy sila sa paglalakbay papunta sa Negev.

Pumunta si Abram sa Egipto

10 Ngayon, nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Egipto para roon muna manirahan. 11 Nang paparating na sila sa Egipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nila na asawa kita, kaya papatayin nila ako para makuha ka nila. 13 Mabuti sigurong sabihin mo sa kanila na magkapatid tayo para hindi nila ako patayin at para maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin dahil sa iyo.”

14 Kaya pagdating nila sa Egipto, nakita nga ng mga Egipcio ang kagandahan ni Sarai. 15 At nang makita siya ng mga opisyal ng Faraon,[b] sinabi nila sa hari kung gaano siya kaganda. Kaya dinala si Sarai roon sa palasyo. 16 Dahil kay Sarai, naging mabuti ang pakikitungo ng hari kay Abram at binigyan pa siya ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.

17 Pero binigyan ng Panginoon ng nakakakilabot na karamdaman ang Faraon at ang mga tauhan niya sa palasyo dahil kay Sarai. 18 Nang malaman ng Faraon ang dahilan ng lahat ng ito, ipinatawag niya si Abram at tinanong, “Ano ba itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi na asawa mo pala siya? 19 Bakit mo sinabing magkapatid kayo? Kaya kinuha ko siya para maging asawa ko. Ngayon, heto ang asawa mo, kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Pagkatapos, nag-utos ang Faraon sa mga tauhan niya na paalisin na sila. Kaya dinala nila si Abram palabas ng lupain na iyon at pinaalis kasama ang asawa niya at ang lahat ng ari-arian niya.

Footnotes

  1. 12:6 malaking puno: Maaaring, puno ng terebinto. Pinaniniwalaang banal na puno ito.
  2. 12:15 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa talatang 17, 18, at 20.