Add parallel Print Page Options

Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap,
    ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad,
    ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
    ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay,
    nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang aking iwan ang nasabing mga tanod,
    bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog.
Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan,
    hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan.

Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem
    sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin,
ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain.

Ang Ikatlong Awit

Babae:

Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan?
    Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang,
    na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal.
Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo,
    ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu,
    pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno.
Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan,
    nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban.
Ang magandang trono nitong haring si Solomon,
    pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon.
10 Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak,
    ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak,
iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot;
    mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak.
11 Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon,
    nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal
    sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal.