Add parallel Print Page Options

Si Amnon at si Tamar

13 Ang anak ni David na si Absalom ay may magandang kapatid na ang pangalan ay Tamar. Ngayon, si Amnon, na isa rin sa mga anak ni David ay umiibig kay Tamar. Pero hindi niya magawa ang gusto niyang gawin kay Tamar dahil dalaga pa ito at lagi itong may bantay. Dahil dito, sumama ang loob niya hanggang sa magkasakit siya.

May napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jonadab. Anak siya ng kapatid ni David na si Shimea. Isang araw, nagtanong siya kay Amnon, “Anak ka ng hari, pero bakit araw-araw kitang nakikitang malungkot? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema mo.” Sinabi ni Amnon sa kanya, “Gusto ko si Tamar, ang kapatid ni Absalom na kapatid ko sa ama.” Sinabi sa kanya ni Jonadab, “Humiga ka at magkunwaring may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mong payagan niya si Tamar na puntahan ka at pakainin. Sabihin mo sa kanyang gusto mong makita si Tamar na naghahanda ng pagkain mo at gusto mo rin na siya ang magpakain sa iyo.”

Kaya humiga nga si Amnon at nagkunwaring may sakit. Nang dalawin siya ni Haring David, sinabi niya, “Gusto ko pong pumunta rito ang kapatid kong si Tamar at gumawa ng tinapay sa tabi ko, at siya ang magpakain sa akin.” Kaya nagpasabi si David kay Tamar na nasa palasyo, na puntahan niya ang kapatid niyang si Amnon at maghanda ng pagkain para rito.

Pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina, minasa ito at niluto ang tinapay kung saan nakikita siya ni Amnon. Pagkaluto, kinuha niya ito para pakainin si Amnon, pero tumanggi ito. Sinabi ni Amnon, “Palabasin mo ang lahat ng tao rito!” At lumabas ang lahat ng tao. 10 Pagkatapos, sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa aking silid ang pagkain at subuan mo ako.” Kaya dinala ni Tamar ang pagkain kay Amnon.

11 Pero habang pinapakain niya si Amnon, niyakap siya nito at sinabing magsiping sila.

12 Ngunit tumanggi si Tamar at sinabi, “Huwag mo akong piliting gawin ito! Magkapatid tayo! Huwag mong gawin sa akin ang masamang bagay na ito. Hindi ito dapat mangyari sa Israel. 13 Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao? At ikaw, ituturing na pinakadakilang hangal sa buong Israel. Pakiusap, kausapin mo ang hari tungkol dito; nasisiguro kong papayag siyang maging asawa mo ako.”

14 Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon at dahil sa mas malakas siya kay Tamar napagsamantalahan niya ito. 15 Pagkatapos ng nangyari, kinasuklaman ni Amnon si Tamar, at ang pagkasuklam niya kay Tamar ay mas matindi pa sa pag-ibig na naramdaman niya rito noong una. Sinabi ni Amnon sa kanya, “Lumabas ka!” 16 Sumagot si Tamar, “Hindi ako lalabas! Mas malaking kasalanan ang ginagawa mong pagtataboy sa akin ngayon kaysa sa ginawa mo sa akin.” Pero hindi siya pinakinggan ni Amnon. 17 Sa halip, ipinatawag niya ang personal niyang lingkod at inutusan, “Palabasin mo ang babaeng ito at isara mo ang pinto.”

18 Kaya pinalabas nga niya si Tamar at isinara ang pinto. Nakasuot noon ng maganda at mahabang damit si Tamar dahil iyon ang isinusuot ng mga dalagang anak ng hari nang panahong iyon. 19 Pero dahil sa sinapit ni Tamar, pinunit niya ang maganda at mahaba niyang damit, at naglagay ng abo sa ulo niya. Pagkatapos, lumakad siyang umiiyak habang nakatakip ang kamay niya sa mukha niya.

20 Nang makita siya ng kapatid niyang si Absalom, tinanong siya nito, “May masamang ginawa ba sa iyo si Amnon? Kung mayroon maʼy, huwag mo na lang itong sabihin sa iba dahil kapatid mo siya sa ama. Huwag mo na lang masyadong isipin ang nangyari sa iyo.” At doon na sa bahay ni Absalom nanirahan si Tamar, pero palagi siyang malungkot at nag-iisa. 21 Nang malaman ni Haring David ang nangyari, galit na galit siya. 22 At kahit walang binanggit si Absalom kay Amnon tungkol sa ginawa nito sa kapatid niya, kinasuklaman niya ito sa kahihiyang idinulot nito sa kapatid niyang si Tamar.

Pinatay ni Absalom si Amnon

23 Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon. 24 Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?” 25 Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom. 26 Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?” 27 Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.

28 Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!” 29 Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola[a] at nagsitakas. 30 Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa. 31 Tumayo si David at pinunit ang damit niya bilang pagluluksa, at dumapa siya sa lupa. Pinunit din ng mga lingkod niya na nakatayo roon ang kanilang damit gaya ng ginawa ni David. 32 Pero sinabi ni Jonadab na anak ng kapatid ni David na si Shimea, “Mahal na Hari, hindi po napatay ang lahat ng anak ninyo kundi si Amnon lang po. Matagal na pong plano ni Absalom na patayin si Amnon mula pa nang pagsamantalahan nito ang kapatid niyang si Tamar. 33 Huwag kayong maniwalang namatay ang lahat ng anak nʼyong lalaki. Si Amnon lang po ang pinatay.” 34 Samantala, tumakas si Absalom.

Nang mga oras ding iyon, may nakita ang mga tagapagbantay sa pader ng Jerusalem na may isang grupong paparating mula sa gilid ng burol sa gawing kanluran. Pumunta ang isang tagapagbantay sa hari at sinabi, “May nakita po kaming mga tao sa daan ng Horonaim, sa gilid ng burol.”[b] 35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Mahal na Hari, tingnan nʼyo po! Nandiyan po ang mga anak ninyong lalaki gaya ng sinabi ko.” 36 Pagkatapos niyang magsalita, dumating ang mga anak na lalaki ni David na umiiyak. Labis ding umiyak si David at ang lahat ng lingkod niya. 37-38 Ipinagluksa ni David ang anak niyang si Amnon sa loob ng mahabang panahon.

Nang tumakas si Absalom, pumunta siya kay Haring Talmai ng Geshur na anak ni Amihud. Doon siya nanirahan sa loob ng tatlong taon. 39 Nang lumipas na ang pangungulila ni Haring David kay Amnon, nangulila naman siya kay Absalom.[c]

Footnotes

  1. 13:29 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
  2. 13:34 Pumunta … burol: Wala ito sa tekstong Hebreo, pero mayroon nito sa tekstong Septuagint.
  3. 13:39 nangulila … Absalom: o, nawala na ang kagustuhan niyang hulihin si Absalom.