Add parallel Print Page Options

Naibalik ang Talim ng Palakol

At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, “Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin.

Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan.” Siya'y sumagot, “Sige.”

At sinabi ng isa sa kanila, “Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod?” At siya'y sumagot, “Ako'y sasama.”

Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punungkahoy.

Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, “Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang.”

Sinabi ng tao ng Diyos, “Saan iyon bumagsak?” Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

At kanyang sinabi, “Kunin mo.” Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon.

Nagapi ang Hukbo ng Siria

Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, “Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo.”

Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, “Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon.”

10 Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa.

11 Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?”

12 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan.”

13 At kanyang sinabi, “Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya.” At sinabi sa kanya, “Naroon siya sa Dotan.”

14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod.

15 Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”

16 At siya'y sumagot, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”

17 Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita.” At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.

18 Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito.” At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.

19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap.” At kanyang dinala sila sa Samaria.

20 Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, “O Panginoon, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita.” Iminulat ng Panginoon ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, “Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?”

22 Siya'y sumagot, “Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.”

23 Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel.

Ang Pagsakop sa Samaria

24 Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria.

25 Nagkaroon ng malaking taggutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak.

26 Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader, sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, “Saklolo, panginoon ko, O hari.”

27 Kanyang sinabi, “Hindi! Hayaang saklolohan ka ng Panginoon. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?”

28 Ngunit tinanong siya ng hari, “Ano ang iyong daing?” Siya'y sumagot, “Sinabi ng babaing ito sa akin, ‘Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakainin natin ang anak ko bukas.’

29 Kaya't(A) niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya’; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak.”

30 Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako—

31 at kanyang sinabi, “Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito.”

32 Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, “Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?”

33 Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, “Ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon! Bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?”